KAGAYA ng ipinangako ko sa inyo, hindi ko iiwan ang aking personal na adbokasiya para sa kapakinabangan ng ating mga mananakay, at ng buong sektor ng transportasyon.
Naniniwala ako na ang isyu ng transportasyon ay mahalaga sa ating lahat at hindi ba nga at isa ito sa matitinding isyu na nagpanalo sa kasalukuyang administrasyon?
Dahil ako ay isang abogado, naisip ko na rito ako mas makatutulong sa pagbibigay ng payo, mga legal advice, at suggestion sa mga kababayan natin na nangangailangan ng legal help tungkol sa mga isyu sa kalsada.
Hindi lang ito para sa mga mananakay, kundi para rin sa mga driver, mga kundoktor, at maging mga operator.
At hindi lang din sa lupa, maging sa himpapawid at sa karagatan na transportasyon, handa kaming mag-alay ng libreng serbisyo.
Humingi ako ng tulong sa aking fraternity brods mula sa San Beda Law, mga kaibigan na abogado na gustong mag-volunteer at binuo namin ang “Lawyers for Commuters’ Safety and Protection.”
Katuwang din natin dito ang walang kapaguran at sobrang dedicated na si Elvie Medina at ang kanyang grupo ng Ligtas Patrol.
Ang inspirasyon natin ay ang reaksyon at suporta ng netizens at mga reader sa pagtutok natin sa mga pasaway sa kalye, mga abusadong driver at mga iresponsableng operator.
Ginising natin ang atensyon ng ahensya para dagliang sumagot sa maliliit pero mahahalagang problema sa araw-araw na karanasan ng mga tao sa daan.
Ang grupo ng “Lawyers for Commuters’ Safety and Protection” ay hindi lamang magtatangkang tumulong na malinis ang hanay ng transportasyon, kundi maghahain din tayo ng mga polisya na pwedeng makatulong sa pagsugpo ng matinding problema ng traffic.
Unang-una na nga na igigiit natin ay ang gawing seryosong krimen ang kolorum at ang panawagan natin na magkaroon ng matibay na batas laban sa “road bullies”.
Sundan ninyo kami at suportahan, kailangan namin ng lakas mula sa mamamayan.
Bisitahin ang aming FB page – “Lawyers for Commuters’ Safety and Protection.” Follow us on Twitter – PinoySaKalsada. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
