NAKAKUHA ng akreditasyon buhat sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kasalukuyang pinamamahalaan ni Sec. Gina Lopez, ang Central Laboratory ng Maynilad Water Services, Inc. Iginawad ito ng departamento matapos ang mahaba-habang pagsusuring isinagawa.
Ang Maynilad’s Central Laboratory ang siyang nagsasagawa ng mga pagsusuri hinggil sa kalidad ng tubig at wastewater sa nasasakop na lugar nito kabilang ang bahagi ng Maynila, Quezon City at Makati, gayundin ng mga lungsod ng Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Valenzuela, Navotas at Malabon, at kabilang din ang lungsod ng Cavite, Bacoor at Imus, at mga bayan ng Kawit, Noveleta at Rosario sa lalawigan ng Cavite.
Huling bahagi pa ng taong 2015 isinagawa ang pag-aanalisa at pagsusuri ng DENR sa laboratory, at dumaan ito sa ‘stringent assessment’ ng mga eksperto buhat sa departamento. Kaya naman nangangahulugan ang pagpasa nito na ang Maynila Central Laboratory ay may sumusunod na mataas na pamantayan sa quality, accuracy, at precision of chemical at microbiological testing results na inilalabas nito. Walang dapat na ipagduda at ikabahala ang publiko sa tubig na nagmumula sa mga tubo ng Maynilad.
Maliban dito, awtorisado na rin ang Maynilad Central Laboratory na kumuha ng environmental data para sa isinasagawang Environmental Impact Assessment (EIA) system, environmental monitoring, at mga pagsasaliksik na isasagawa ng DENR at mga kaugnay na ahensiya ng pamahalaan upang magamit bilang datus sa paggawa ng mga desisyon o mga hakbangin kaugnay sa environmental planning at policy making ng mga namamahala sa pamahalaan partikular sa mga may kinalaman sa public sanitation.
“This DENR accreditation is a validation of Maynilad’s continuous effort to ensure that the water and wastewater produced by our treatment facilities pass the country’s strict standards” saad ni Maynilad president at chief executive officer Ramocito Fernandez.
Bago pa man ang DENR accreditation, nauna nang nakuha ng Maynilad Central Laboratory ang ISO 17025:2005 (International Standardization Office) buhat sa Department of Trade and Industry (DTI) – Philippine Accreditation Bureau (PAB). May akreditasyon din ito buhat sa Department of Health (DOH) bilang isang “laboratory for drinking water analysis”. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG