MISYON AKSYON, pakikalampag naman ‘yung pulis na taga-MPD Station 3.
Kasi nagkaroon po ako ng karanasan na hindi ko po malilimutan sa aking buhay. Habang naglalakad po ako sa kahabaan ng Sta. Cruz, Manila, e, hinuli po ako ng pulis at sinabi na may kaso raw po ako at kailangang sumama ako sa presinto for verification.
Kaya agad akong sumama pero agad akong ipinasok sa selda kaya laking pagtataka ko kung bakit ako ikinulong.
Sa madaling salita ay kinausap ako na kung hindi raw ako magbibigay ng pera para sa aking kalayaan ay makakasuhan ako ng illegal possession of drugs samantalang wala namang nakuha sa akin.
Kaya sa takot ko na totohanin niya ang banta, agad akong nakipag-usap para aregluhin na lamang ang kaso kapalit ng aking kalayaan.
Sa madaling salita napag-alaman kong si SP01 Carmelo ang pulis. March 6 ng gabi nang hinuli ako. Kaya sana, Misyon Aksyon, makarating ito sa mga kinauukulan sa dahilang hindi lamang po ako ang naging biktima nila.
Nabatid ko na halos 7 kaming naaresto ng araw na iyon. Kaya kung hindi po ito matitigil, kawawa naman po ang mga magiging biktima nila na walang kasalanan at pinagka-kaperahan. Kasi napag-alaman ko na tuwing sasapit ang hapon ay may operasyon sila at pag marami ang nahuhuli, susunduin ng mobile na back to back.
Ang masaklap, kung sino ang makursunadahan, e, yari siya. Kaya umaasa po ako na maaaksyunan ito sa pamamagitan ninyo.
Gumagalang,
Mr. Bull
Kay MPD Station 3 Supt. Ricardo Layug, mukhang ang bata mo na si SP01 Carmelo ay mahilig mambagansiya at pag ‘di raw nakapaglagay ang hinuhuli ay indulto ang aabutin niya?
Aba, sir, katunayan nga hindi nakatiis ang inyong mga nahuhuli at nagsumbong na sa Misyon Aksyon para matigil na ang kabulastugan ng bata mong si Carmelo.
Kaya aksyon na. Kay NCRPO Chief Dir. Leonardo Espina, Sir, pakiimbestigahan naman po ito.
Bukas po ang aking kolum para sa inyong panig at kapaliwanagan.
