NITONG mga nakalipas na araw ay nagkaroon na ng linaw ang pinaigting na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na gamot sa buong bansa at ilan na rin ang mga nahubaran ng maskara na sinasabing sangkot sa sindikato ng droga.
Noong nangangampanya pa lamang si Duterte sa pagka-Pangulo ng bansa ay ipinangako na nito sa Sambayang Filipino na susugpuin niya ang talamak na pagkalat ng iligal na droga na sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan.
Bagama’t marami ang tumututol sa kampanya ng bagong administrasyon laban sa iligal na droga dahil sa rami ng mga napapatay na taong sangkot dito ay tuloy-tuloy pa rin ang Duterte administrasyon sa pagpapalawig ng operasyon laban sa mga druglord.
Matatandaan din nating limang heneral ng Philippine National Police (PNP) ang pinangalanan ni Duterte at kasalukuyang iniimbestigahan na ang mga ito at kamakailan lamang ay ibinunyag naman ng Pangulo ang mga pangalan ng mga alkalde na sangkot umano sa iligal na droga.
Malinaw na malinaw na seryoso si Duterte na sugpuin ang pagkalat ng droga sa ating bansa at dahil din sa patuloy na operasyon ng PNP ay lumiit ang bilang ng ibang krimen dahil marami sa mga taong sangkot sa droga ay hindi na tumatambay sa lansangan sa gabi.
Lumalabas tuloy na ang ugat ng lahat ng krimen ay ang paggamit ng iligal na droga at kapag tuluyan na itong nasugpo ay tiyak na magiging tahimik na ang ating kapaligiran at hindi na rin tayo mangangambang maglakad sa kalsada sa gabi.
Nagbabala pa si Duterte sa kanyang pinakaunang State of the Nation Address (SONA) na uubusin ng kanyang administrasyon ang lahat ng taong sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga at hindi siya titigil hanggang may natitira pang druglord, pusher at protector.
Dahil din sa ipinakikitang “political will” ng ating Pangulo ay nadagdagan pa ang mga taong bumibilib sa pamumuno nito kahit na iyong mga hindi bumoto sa kanya noong nakalipas na eleksyon ay kitang-kita ang paghanga kay Duterte.
Ang ipinakikitang ito ng ating Pangulo ay isang palatandaan na ipinanganak itong isang tunay na lider ng bansa dahil kahit na may ilang komokontra sa kanya ay itinutuloy pa rin nito ang kanyang hangarin dahil mas marami ang makikinabang dito.
Sa halip na batikusin ay tulungan na lamang nating lahat si Duterte sa kanyang laban kontra sa iligal na droga. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO