KUNG hindi pa lang alam ng iba, bawal na po ang hindi pagbibigay ng tama o saktong sukli.
Ganap nang batas ang Republic Act 10909 o ang No Shortchanging Act kaya maparurusahan na at mapagmumulta ang mga violator at pwede pang patawan ng suspensyon ng lisensya kapag napatunayan na hindi nagbigay ng tamang sukli ang mga tindahan o maging ang mga pampublikong sasakyan, hanggang sa kahuli-hulihang sentimo.
Matagal nang isyu ito ng ating mga kababayan at ngayon nga ay naaksyunan na ng pamahalaan.
Hindi na pwedeng mag-excuse na walang barya ang mga tindahan o mga sasakyan, hindi na pwedeng kendi na lang ang sukli sa mga grocery, at pwede nang ireklamo at mapapatawan na ng karampatang parusa ang mga mapapatunayan na lumabag sa RA 10909 o kapag hindi nagbigay ng saktong sukli.
Tama lang naman ito. Respeto ito sa mga mamimili at mananakay.
Ang kadalasang palusot na walang barya kaya kulang ang panukli ay hindi na uubra. Kung nagtitinda ka o nagmamaneho, dapat may sapat kang barya para panukli. Isa pang resulta nito ay ang pagbabalik ng pagpapahalaga sa mga barya natin.
Muli ay dapat na irespeto ang mga barya ng Pilipinas. ‘Yung iba kasi hindi na binibigyang halaga ang barya. Binabalewala at iniipon na lang sa mga garapon na parang wala na talagang silbi ang mga ito.
Ngayon ay muling masi-circulate ang mga barya dahil kailangan itong panukli at dapat lang. Hindi tayo gumawa ng mga sentimo para itago. Maiiwasan na rin ang hoarding ng barya na mahigpit ding tinututulan ng pamahalaan.
Hindi ba nga ay may naging kampanya rin ang mga bangko natin laban sa “hoarding” o ‘yung pagtatago ng mga barya, tapos nalilimutan na sa mga alkansya, sa mga butas sa dingding o maging sa mga paa ng mga lumang lamesa? Ilabas nang lahat ang mga barya na ‘yan dahil magagamit na ang mga ‘yan.
So, “two birds with one stone” ang napukol ng RA 10909 dahil hindi na masho-shortchange ang ating mga kababayan at hindi na maho-hoard ang ating mga barya.
Magaling ang batas na ito.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com. Visit our FB page https://www.facebook.com/commuters.safety.com.ph/ – and follow us on twitter – @PinoySaKalsada. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
