NAKAHANDA ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na arugain ang magugulong lugar sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at iba pang probinsiya upang mabigyan ng mapayapang solusyon ang matagal na kaguluhan sa kanilang lalawigan.
Isa kasi sa nakikitang dahilan ng matagal na pag-asenso ng mga lugar na ito ay dahil sa kaliwa’t kanang kaguluhan at labanan na patuloy na pumipigil sa pag-unlad dahil na rin sa pangamba ng mga negosyante na mamuhunan sa mga probinsiyang ito.
Dahil dito, nais ng bagong administrasyon na bigyan ng sapat na aruga ang mga lugar na ito nang sa gayon ay matigil na ang digmaan ng Filipino sa kapwa Filipino na kumuha na rin ng hindi mabilang na buhay.
Sa ngayon ay nakikipag-usap na ang Duterte administration sa mga kinatawan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) upang pag-usapan kung ano ang dapat gawin para sa kapayapaan.
Ilang Pangulo na rin kasi ng Pilipinas ang nagplano kung paano mabibigyan ng solusyon ang kaguluhan sa Mindanao ngunit palagi na lamang silang nabibigo sa hindi mapagkasunduang kasunduan ng magkabilang panig.
Ngayon na muling binuksan ang usapan sa kapayapaan ay nananalig ang mga kababayan nating Muslim na matuldukan na ang matagal na digmaan sa Mindanao at nang wala nang buhay pang maibuwis.
Panahon na upang magkaroon ng kasunduan ang magkabilang panig para na rin sa ikauunlad ng mga lugar na matagal na ring naaapektuhan ng kaguluhan.
Isaalang-alang nating lahat ang kinabukasan ng mga susunod na salinlahi at kung kaya nating kunin sa paupo ay daanin na lamang sa maayos na pag-uusap para na rin sa ikatatahimik ng bawat isa.
Sang-ayon tayo sa kagustuhan ni Duterte na wakasan na ang digmaan sa Mindanao nang sa gayon ay magkaroon na ng katahimikan ang lugar na tinatawag nating Lupang Pangako at tulungan din natin ang ating Pangulo upang magkaroon ito ng katuparan. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
