MARAMI naman nagawang mabuti ang namayapang dating Pangulo ng ating Inang Bayan na si Ferdinand Marcos na hanggang sa ngayo’y pakinabangan pa rin sa taumbayan.
Totoo ito, walang duda! Subalit gaya ng alamat ni Robinhood na sinasabing pusakal na magnanakaw upang mayroon siyang maibigay sa mga kababayan niyang kapus-palad – pagnanakaw pa rin iyon.
Naturalmente lang na sangkaterbang programa at proyekto ang naipatupad ni Marcos para sa ating mga kababayan dahil napakahaba naman niyang namunini sa trono ng Malakanyang.
Pero ang mga mabubuting programa at proyekto na ito ay hindi kailanman puwedeng maging lisensiya upang pumatay o magpapatay umano ng mga taong itinuturing na kalaban.
Hindi kahit kailan pwedeng gamitin na dahilan ang mga mabubuting gawa ng kahit sinong tao – pribado man o taga-gobyerno upang dambungin ang kaban ng ating bayan.
Tanong, taumbayan… kung malubha halimbawa ang mahal mo sa buhay na kailangan ng pera para pambili ng gamot ay tama lang na pagnakawan mo ang iyong kapwa?
Nakagawa ka ng mabuti para sa iyong mahal sa buhay na nangangailan subalit nilampastangan mo naman ang iyong kapwa. Ganito ba ang masasabi natin na pagiging bayani ni Marcos?
O ngayon, patungkol naman sa argumento ni Lolo Digong na naghahayag ng galit laban sa mga tao o ahensiya na humaharang sa kanyang kampanya laban sa droga. Tama ba ito o mali, taumbayan?
Mabuting gawa o programa ngayon ni Lolo Digong na tugisin ang mga taong kabilang sa kalakalan ng iligal na droga pero marapat lamang na hindi ito lalabag sa mga kasalukuyang batas o panuntunan ng ating Inang Bayan.
Ibig kong sabihin, tulad ng katauhan ni Robinhood ay hindi ubrang ikatwiran ang mabuting gawa na ito ni Lolo Digong upang lapastanganin niya ang umiiral na batas ng ating lipunan. Gagawa siya ng iligal upang makagawa ng mabuti, tama ba iyon?
Matapos ibida ng ilang ulit sa publiko na magiging madugo ang kampanya na ito, patayan ang mangyayari kabilang na ang paghimok sa ating mga kababayan na magtayo ng punerarya ay itinatanggi nila ang kawing-kawing na iligal na patayan.
Gabi-gabi na yata ay may namamatay na hinihinalang tulak ng droga mula nang maupo si Lolo Digong pero ang lahat ng ito’y nagkataon lamang makaraan ang mga matitigas na pahayag nila. Naniniwala ba kayo roon, taumbayan?
Kung naniniwala kayong nagkataon lamang na maraming tulak ng droga ang tumapang na lumaban sa pulis kaya napapatay sa ilalim ng liderato ni Lolo Digong aba’y parang inaamin natin na sila na lang ang may dunong – tolongges o bobo tayo?
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
