SA agos ng mga pangyayari, tila, hindi hihinto si S/Supt. Guilor Eleazar ‘malinis’ lamang niya ang QCPD sa mga narco-cop.
Kamakailan lamang, 69 na pulis ang iniutos niyang sibakin sa posisyon dahil sa ulat na ang mga ito’y sangkot umano sa droga.
Mula nang matalagang QCPD police director noong Hulyo 1, umabot na sa 141 QC ‘drug cops’ ang tinanggal sa pwesto.
Bukod sa ililipat sa malayong lugar, iimbestigahan pa ang mga ito para malaman ang extent ng kanilang drug involvement.
Sa ulat, ang mga nasibak ay nanghuhuli subalit pinapakawalan ang mga drug pusher at adik kapalit ng lagay. At ang pinakamasamang ginagawa ng mga ito, ang nakukumpiskang droga ay nire-recycle o ibinebenta rin para maging pera.
Matatanggal sa serbisyo at makukulong pa ang mapapatunayang mga pulis na sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Pakiwari natin, hindi nagbibiro si Col. Eleazar sa ginagawang ‘cleansing’ para maubos ang QCPD sa mga tinatawag na ‘drug cops’.
Pero kung si Col. Eleazar ay kandarapa sa paglilinis ng QCPD sa ‘narco cops’, maraming hepe ang tila, nakatanghod lang.
Sa totoo lang, nagkalat ang mga pulis, lalo na sa mga narcotics unit, ang gumagawa ng kabulastugan, gamit ang mga tsapa ng pulis
Hindi nagtatrabaho para masupil ang problema sa droga, kundi para kumita ang mga pulis na nakatalaga sa narcotic units.
Sa isang iglap kasi ay daang libong piso at kung sinuswerte ay milyones ang nakukuhang lagay ng mga pulis sa mga nahuhuling pusher.
At kapag sinuwerte pa rin at kilong shabu na ang nakuha sa pusher, aba’y doble-buwenas dahil milyones din ang pagbebentahan sa droga.
Ang malaking pera na nakukuha sa droga ang dahilan kaya maraming pulis ang nakalilimot na sila’y mga alagad ng batas.
Kaya kung nais ni Gen. Dela Rosa na masolusyonan ang problema ng droga sa bansa, i-abolish niya ang narcotic units sa PNP.
Sa narcotic units kasi nagtatago ang mga salot na personalidad na nagpalala ng drug problem na nais nang tuldukan ni Pres. Digong.
Tama ang ginagawa ni Col. Guilor Eleazar. Ituloy mo lang, sir. CHOKEPOINT/BONG PADUA
