KABI-KABILA ang magagandang proyekto ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na pinakikinabangan ng iba’t ibang sektor ng lipunan na labis na ikinatutuwa ng mga residenteng nakikinabang dito.
Kamakailan lang ay nagbigay ng scholarship ang lokal na pamahalaan sa 81 PNP Scholars ng halagang P187,100 kung saan ay nakatanggap ang mga benipisiaryo ng P5,000 (college students per semester), P1,500 (high school per quarter) at P1,200 (elementary per quarter).
Naging matagumpay naman ang kampanya ng lungsod laban sa ipinagbabawal na droga matapos na sumuko ang 1,475 drug dependent at nangako ang mga ito na magbabagong-buhay na upang tumugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kamakailan lamang ay naglunsad ang lokal na pamahalaan ng programang makatutulong sa mga sumukong drug dependent kung saan ay nagtatag si Mayor Fresnedi ng samahan na Mamamayan at Pamilya Laban sa Droga (MAPALAD) at One Stop Shop after care program na layuning matulungan ang mga pusher at user na makapagbagong buhay.
Upang maging malinis naman ang mga pangunahing kalsada sa lungsod ay binigyan ni Mayor Fresnedi ng stalls sa palengke ang lahat ng street vendor nang sa gayon ay hindi na magtinda ang mga ito sa mga kalye.
Kasabay nito, hinikayat din ng alkalde ang mga nagtitinda sa lahat ng kalsada sa Muntinlupa City na huwag harangan ang mga daanan ng tao at makipag-ugnayan na lang sa lokal na pamahalaan kung nais ng mga ito na makapagtinda sa palengke.
Nitong August 1 ng kasalukuyang taon nang tanggapin ni Mayor Fresnedi ang improvised floating device na gawa sa recyclable material mula sa Manila Electric Company (Meralco) na makatutulong disaster risk response operations.
Ang hakbang na ito ay naisakatuparan sa tulong ni Meralco Relationship Management Representative Leslie Ann de Grano, Deputy Administrator RJ Smith, Alabang Business Center Manager Benjamin Nolasco at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Bilang tugon naman sa kampanya ni Pangulong Duterte na linisin ang Laguna Lake laban sa mga illegal private fish pen ay nakipagtulungan na kay Department of Environment and Natural Resources Sec. Gina Lopez ang pamunuan ni Mayor Fresnedi.
Ang hakbang na ito ng alkalde ay upang matulungan ang mga lokal na mangingisda na umaasa sa mahuhuling isda mula sa Laguna Lake na maparami ang kanilang mahuhuli upang madagdagan ang kanilang kita.
Nagbigay na rin ng fingerlings ang lokal na pamahalaan sa local association of fishermen mula sa mga barangay ng Tunasan, Poblacion, Pututan, Bayanan, Alabang, Cupang, Buli at Sucat na malapit sa Laguna Lake shoreline na magsisilbing panimula ng mga ito. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
