MAS marami ngayong negosyante ang nagnanais na maglagay ng kanilang puhunan sa Muntinlupa City dahil na rin sa mabilis na pagpaparehistro ng kanilang mga itatayong negosyo sa lungsod.
Ito’y sa pamamagitan ng programang Muntinlupa Online Business Registration System (MOBRS) na kinakailangan lamang magpa-register sa website ng naturang lungsod na www.muntinlupacity.gov.ph.
Malaking kaluwagan para sa mga negosyante ang programang ito ng Muntinlupa City dahil hindi na kinakailangang pumila ang mga ito para lamang maiparehistro ang kanilang mga negosyo sa lokal na pamahalaan.
Dahil din sa proyektong ito kung bakit maraming mga lokal na pamahalaan ang sumusunod sa parehong programa dahil nakikita nila na maganda ang maidudulot nito para sa mga negosyanteng gustong mapadali ang pagpaparehistro.
Saludo tayo sa programang ito ni Mayor Jaime Fresnedi dahil sa pamamagitan nito ay maraming negosyante ang nahihikayat na maglagay ng negosyo sa Muntinlupa City dahil na rin sa pagiging mabilis ng business registration.
Bukod dito, kabi-kabila rin ang mga proyekto ni Mayor Fresnedi na makatutulong sa mga residente ng lungsod para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Kabilang na rito ang pagpapatayo ng mga classroom sa lahat ng barangay, pagpapasemento sa mga kalsada, paglalagay ng health centers at iba pa na napakikinabangan ng mga naninirahan sa nasabing lungsod.
Seryoso rin ang pamunuan ni Fresnedi na sugpuin ang iligal na droga sa kanyang pinamumunuang lungsod at katunayan nito ang pagbibigay ng kapaki-pakinabang na programa sa sumukong drug personalities.
Naging mapayapa na rin ang Muntinlupa dahil na rin sa mahigpit na pagpapatrulya ng mga pulis sa bawat sulok ng lungsod, partikular na sa tinaguriang hot spot na siyang tinatambayan ng masasamang loob.
Sinabi pa ni Mayor Fresnedi na tuloy-tuloy ang kanyang pagbibigay ng mga makabuluhang proyekto para sa kanyang mga kababayan at patuloy rin ang kanyang pagtulong kay Pang. Rodrigo Duterte na maging mapayapa ang bansa at maging corrupt-free country ang Pilipinas. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
