MAY mga tutol na saklawin ng deklarasyong “state of national emergency” ang buong bansang Pilipinas.
Napakatahimik naman kasi umano ang pinakamalaking bahagi ng bansa at tanging sa Mindanao lang umano nagaganap ang giyera at bombahan.
Kung katanggap-tanggap man ang nasabing deklarasyon, dapat sa Mindanao lamang umano.
Isa pa, mayroon man o wala umano ang deklarasyon, kapangyarihan naman umano ng Pangulo ang pagtawag at pagpapakilos ng mga militar at pulis para sugpuin ang mga mambobomba at kriminal.
Sa buntot ng salita ng mga ito, natatakot silang baka magdeklara umano si Pangulong Digong ng martial law at lalong darami ang mga mapapatay sa ngalan ng droga.
HINDI DAPAT BALEWALAIN
Para sa atin, tama lang ang deklarasyon, lalo na kung totoong ang mga anak ng tokwang Abu Sayyaf Group ang may kagagawan ng pagsabog sa Davao City.
Ito’y sa dahilang kaya ng grupong ito ang gumawa ng terorismo kahit saan.
Ang Philippine National Police nga sa ngayon ay nagsasabing maaaring may mga nakarating na sa Metro Manila na tauhan ng ASG.
Utos umano ng liderato ng ASG ang pagsasagawa ng pambobomba kasabay ng pagsasabi ng mga ito na hindi sila natatakot kay Pang. Digong.
Sa pulisya sa Metro Manila, ang Quezon City Police District ang unang nagsabi na maaaring nasa Metro Manila na nga ang ilang tauhan ng ASG kaya pinaghanda na ang mga pwersa nito na magbantay lalo na sa mga matataong lugar na sakop nito.
8,000 SUNDALO VS ASG
Sa ngayon, may 8,000 nasa Basilan at Sulu para tugisin ang mga ASG na wala nang ginawa kundi mangidnap for ransom at kung walang maibayad ang biktima ay kanilang pinupugutan para tiyak na mapatay.
Ginawa ito kamakailan lang sa isang binatilyo na pinaghiwalay ang ulo at katawan nang itapon ang mga ito ng ASG.
Ang pagdurog sa ASG para sa atin ay tama lang ngunit ipinakikita ng ASG na gusto nilang rumesbak habang natatalo sila ngayon sa labanan.
Dahil ang ASG ay nagsasabing kasama na ng Islamic State at nanawagan ito ng mga “jihadist” o religious warrior laban sa pamahalaan.
Kaya hindi kataka-takang mambomba sila kahit saan upang makapaghasik sila ng takot at hindi sila gagalawin kahit gawaing kriminal ang kanilang pinagkakaabalahan.
LABAN SA DROGA
Hindi rin basta balewalain ang laban sa droga na isang pambansang salot.
Halos wala tayong matukoy na barangay na walang droga. Tip of an iceberg lamang sa tingin natin ang mga pangalan na nasa listahan ni Pang. Digong na mga druglord at opisyal ng pamahalaan, politiko, pulis at militar na protektor ng mga ito.
Ang basehan natin ay ang nasa 700,000 nang surrenderee. Anak ng tokwa, paano ang nalalabing tatlong-milyon?
Kung hindi pa nakikilala ang tatlong-milyon, hindi rin nakikilala pa ang mas maraming druglord at opisyal, politiko, pulis at militar na protektor.
Base sa sumbong ng mga mamamayan, inaantay lang mga sangkot sa droga na maalis sa Malakanyang si Pang. Duterte para muli silang babalik sa kanilang operasyon para igumon sa droga ang milyon-milyong Filipino.
Kung saklaw ang droga ng deklarasyon, Oks na Oks sa atin.
DEKLARASYON PINAKAMAHINA
Hindi nakatatakot ang deklarasyon.
Bakit, mga Bro?
Hindi naman katulad ito ng pagkakaroon ng suspension of the writ of habeas corpus. Sa suspensyon na ito, mga Bro, pupwede kang arestuhin ng mga militar at pulis nang walang warrant of arrest at ikulong kahit walang demanda.
Maaaring dedmahin ng mga pulis at militar ang mga hukuman na kikilos para sa iyong kalayaan.
Hindi rin katulad ang deklarasyon ng martial law. Dahil sa martial law, pupwedeng buwagin ng Pangulo ng bansa ang Konstitusyon mismo, ang Kamara at Senado at lahat ng mga lokal na opisyal ay mawalan din ng kapangyarihan.
Binubuwag din ng martial law maging ang mga hukuman at Supreme Court.
HIGH ALERT
Sa deklarasyon, ang mangyayari lang ay magkakaroon ng high alert ang mga puwersa ng gobyerno at magkakaroon ng mga checkpoint para mapigilan ang terorismo at droga at iba pang mga krimen.
Hindi sinasabi ng Pangulo na hindi pupwedeng idemanda ang mga nagtse-checkpoint kung umabuso sila.
Magtiwala lang tayo na ayaw ni Pang. Digong na maabuso ang mga inosenteng mamamayan sa kamay ng mga awtoridad. Kita n’yo naman pinatatapon ang mga pulis-patola sa Mindanao.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate. ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA