MALAYO po sa Martial Law ang iprinoklama ni Pangulong Rody Duterte na “national emergency” on account of lawless violence bagaman magsasagawa ng warrantless arrests.
Mahigpit na susundin ang mga batas at jurisprudence, ayon sa Proclamation No. 55 na inisyu ng Pangulo kasunod ng pagpapasabog sa Davao City na ikinasawi ng 14 katao at ikinasugat ng may 70.
Kaya walang tayong dapat ikabahala ukol sa ating mga ligal na karapatang-pantao.
Bagkus dapat nating ikasiya ang mga hakbang na ito na hindi isinagawa ng mga inutil na pinuno ng bansa sa harap ng laganap na krimen at terorismo, partikular na sa Mindanao.
Walang pagkakaiba ang salot na iligal na droga at terorismo!!!
Kung hindi ipatutupad ang ganitong hakbangin at patuloy pa rin tayong magkukunwari na ang lahat ay mapayapa at maayos, walang tunay na pagbabago tayong maaasahan.
***
‘Di na dapat pansinin ang pagbabatikos ng mga nagmamagaling at nagmamalinis tungkol sa pagmumura ni Pangulong Rody Duterte bago lumipad patungong Laos.
Napabulalas si Duterte at nagmura ito nang hingan ng media ng reaksyon sa posibilidad na sitahin siya ni US President Barack Obama ukol sa extrajudicial killings laban sa drug dealers sa bansa.
Sa ganang akin, tama lamang ang kasagutan ni Duterte na walang-karapatan si Obama na bigyan siya ng “lecture” tulad ng pagbabala ng isang US official.
Totoo naman ang sinabi ng Pangulo na siya’y iniluklok sa puwesto ng Sambayanang Filipino at hindi ng mga Amerikano.
At sa totoo lang, isa sa mga nagustuhan ng nakararaming Filipino kay Duterte ay ang kanyang walang-habas na pagmumura tungkol sa katiwalian, pang-aabuso sa kapangyarihan, pang-aapi sa mahihirap at menoridad at laganap na kriminalidad.
Tanda ng pagiging totoong-tao ang pagmumura ni Duterte. Sawang-sawa na ang taumbayan sa pagkukunwari ng mga pinuno na malinis, “disente” ngunit inutil at korap din naman pala.
Wala pang isang linggo ang nakararaan mula nang maganap ang malagim na terorismo.
May 14 na inosenteng katao, kabilang ang kabataan at kababaihan, at may buntis pa ang nasawi nang walang kalaban-laban. Nasa 70 naman ang sugatan.
Higit pa man sa anong bagay, hustisya ang hangad ni Duterte at hindi ang pagbabasbas at pakikipag-ututang dila kay Obama.
Hindi ba nauunawaan ng mga ungas na ito na nagdurugo pa ang puso ng Pangulo nang ito ay sumahimpapawid patungong Laos?
Laos na ang pagngangakngak n’yo! Mga anak kayo ng tiyanak!!! DEADSHOT/ERWIN TULFO