PROFESSOR Jun siya sa Pilipinas, Father Justine sa Canada. Paano nga bang mula sa pagiging isang propesor at guro ay napunta sa linya ng pagpapari si Fr. Justine Trinidad? Sa British Columbia na mas kilala sa tawag na Canada’s Pacific Gateway ay isang Filipinong pari ang aking nakilala, siya si Father Justine ng St. Joseph Parish Church.
Sa aking panayam sa kanya ay napag-alaman ko na rati siyang isang propesor ng pilosopiya sa De La Salle University sa Maynila, subalit ayon sa kanya, maituturing na pagpapari ang kanyang unang pag-ibig, sapagkat bago pa man siya maging isang guro ay pumasok siya sa seminaryo.
“Nasa seminaryo na ako noon, tapos naisipan ko na ang pagpapari ay hindi para sa akin, kaya lumabas at nagturo ako.” Kwento niya.
Sa puntong ito niya nasumpungan ang kanyang sarili na nasa linya ng pagtuturo. Ayon pa sa kanya, isang imbitasyon upang magturo sa isang international school ang naging dahilan kaya’t nilisan niya ang Pilipinas at nagtungo sa Canada. Ngunit tunay ngang iba ang pamamaraan ng Maykapal, dahil nang makarating sa ibang bansa ay nadama niya na tinatawag siya ng Panginoon upang maglingkod sa simbahan bilang isang pari.
“Nung minsang ako’y nagdadasal-dasal, parang sinabi sa akin ng Diyos, may balak ako para sa iyo,” wika niya.
Hindi biro ang pinagdaanan ni Fr. Justine upang kilalanin siya bilang isang ganap na pari.
Kinailangan niyang pumasa sa mga pagsusuri at pagsisiyasat ng Arsobispo at patunayan na tunay ngang tinatawag siya ng Diyos upang magpari. Muli rin siyang bumalik sa pag-aaral.
“Pinadala nila ako sa Ontario at doon ako nag-aral ng limang taon, Master of Theology. Matapos akong mag-aral, pinabalik nila ako rito sa Vancouver at dito ako nag-umpisang maging pari,” salaysay pa niya.
Nang maging ganap na pari, kinailangan din niyang baguhin ang kanyang pangalan mula sa Jun sa Justine.
“Ang mga Canadian, hindi nila ako matawag na Jun, ang tawag nila sa akin ay John, tapos minsan nakatatanggap ako ng June, may letter E, dahil sa French, June is a family name, kaya’t sabi ko kailangan ko atang kumuha ng ibang pangalan at pinili ko ang pangalan ng santo ng aking birthday which is Justine.” Paliwanag niya nang akin siyang tanungin kung paanong naging Justine ang pangalan niyang Jun.
Mahigit labinlimang taon nang naninilbihan sa Panginoon si Fr. Justine habang nasa isang banyagang bansa, subalit sa kabila ng pagiging malayo sa bayang kanyang sinilangan nananatili ang pagka-Filipino niya. Sa katunayan, maraming Amerikano ang nahahalinang makinig sa mga sermon niya dahil na rin sa pagbabahagi niya ng kanyang mga karanasan sa buhay noong siya ay nasa Pilipinas pa. Maging ang ating kultura at pagiging maka-Diyos nating mga Filipino ay ginagamit niyang halimbawa sa pagmimisa.
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayang overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi.
Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.