NOONG Lunes (Sept. 12) ay headline story sa evening newscast sa mga telebisyon ang habulan at barilan ng mga pulis at kriminal.
Ang kaganapan ay nakunan ng nagkalat na CCTV sa paligid kaya maraming bahagi ng pangyayari ay naidokumento.
Simula sa unang yugto – nang tangkang sitahin ng mga pulis, bumunot ng baril at habang tumatakbo ay nagpapaputok ang mga kriminal.
Matapos ang ilang minutong habulan at putukan, dalawa sa tatlong suspek ay bumulagta, patay.
Ang galing naman ng QCPD, ‘yan ang kaagad na tumatak sa aking isipan. Dahil sa pangyayaring ‘yan, naka-iskor ang PNP.
Sa rami na ng humuhusga sa kaliwa’t kanang patayan, ang shootout footage na ‘yan ay tiyak na may positibong mensahe sa mga nagtatanong.
Pakiwari ko lang, natabunan ang lahat ng duda hinggil sa nangyayaring patayan matapos mapanood ang shootout footage na ‘yan.
Pero, siyempre, hindi mapanonood ang gunfight kung ang mga pulis ay natutulog lang sa kanilang istasyon.
Mula pala nang maging QCPD director si S/Supt. Guillermo Eleazar ay bawal na ang pamamalagi ng mga pulis sa kanilang opisina.
Kung may pulis man sa istasyon, ito’y ang desk officer at ilan lang na magsisilbing ‘augmentation force’ kung kinakailangan.
‘Ika nga ng aking nakausap na police official, ‘24/7 o mercury (na ibig-sabihin ay 24 oras na gising) kaming mga pulis ng QCPD.’
Dahil sa ‘mercury duty’ na pinaiiral, natiyempuhan ng QC cops ang grupo ng tatlong suspek na ‘yan na hinihinalang mga notoryus na kriminal.
Nakuha rin sa mga ito ang mapa ng bahay na tangka sana nilang pasukin, subalit sila’y minalas na nakasagupa ng mga pulis.
Kwento pa ng aking nakausap na opisyal, ilang beses na rin na nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga pulis at kriminal pero ‘di nakunan sa CCTV.
Pero sa totoo lang, kailangan talaga ang 24/7 ang pagbabantay ng mga pulis sa kanilang area of jurisdiction.
At sana sundin ito ng buong kapulisan, tulad ng pagsunod nila sa matigas na atas ni Gen. Bato na giyera laban sa droga. CHOKEPOINT/BONG PADUA

