KATAWA-TAWA ang pahayag ni Sen. Leila de Lima na itong inmate na si JB Sebastian ay isang “asset” o informer ng gobyerno laban sa druglord sa National Bilibid Prisons.
Hanggang saan pipilipitin ang katotohanan para sa pamumulitika laban kay Pangulong Rody ‘Digong’ Duterte?
Paanong magiging asset itong si Sebastian na kilabot na gang leader at siyang pinakamatinding druglord sa Bilibid?
Sino ang maniniwala sa kabulastugan na ito? Mukhang na-check mate ang dating-Justice secretary sa congressional hearing at kung ano-anong kabolastugan ang sinasabi nito ngayon!
Samantala, kalabisan din ang kahilingan ni De Lima na anyayahan at payagang “tumestigo” sa Senado ang ilang dayuhang advocates ng human rights kabilang na ang United Nations Rapporteur.
Hindi ba maliwanag kay De Lima na nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado “in aid of legislation” o kaugnay ng paggawa ng kaukulang batas ukol sa extrajudicial killings na laganap sa mga nagdaang dekada.
Lalo tuloy nababahiran ng pulitika ang paninindigan ng senadora na numero unong kritiko ni Pangulong Digong.
Lumilitaw na pakawala ni De Lima itong si Edgar Matobato na nagpapakilalang “hitman” ng Davao Death Squad (DDS) ni Duterte.
Bakit papayagan ng Senado na magmukha itong tuta ng mga dayuhan sa pamamagitan ng pag-lecture sa kanila ng UN Repporteur sa isinasagawa nitong pagdinig tungkol sa DDS?
Nagmukha na ngang zarzuela ang naturang inquiry dahil sa mga sablay na pahayag ni Matobato at ngayo’y pagsasalitain pa ang isang foreigner para umepal sa news media.
Walang pinag-iba ito sa teleserye noon kay dating Vice President Jojo Binay sa pag-uungkat sa mga lumang isyu laban sa kanya sa Makati.
Ngayo’y si Duterte naman ang puntirya ni De Lima.
‘Di ba kapansin-pansin kay De Lima na nagising ang nasyonalismo ng mga Filipino mula pa noong mangampanya si Duterte sa pagka-Presidente?
Nasusuklam na ang Sambayanan sa pakikialam at pagdidikta ng mga dayuhan.
Bagaman hindi tayo nakikipag-kalas ng diplomatic relations sa kanila at lalong hindi tayo nakikipag-away sa Estados Unidos!
Ayaw lang ni Duterte na sinasaklawan ng sinomang dayuhan ang ating malayang pamahalaan sa kanyang termino.
Huwag kalimutan na si Duterte ay halal ng Sambayanang Filipino at gayundin ang mga senador. DEADSHOT/ERWIN TULFO