PARA sa akin, magandang senyales kapag ang mamamayan ay nagpapaabot ng kanilang mga reklamo sa mga ahensya ng gobyerno.
Ganyan sa isang aktibong demokrasya.
Hangga’t nagrereklamo ang tao, ibig-sabihin ay interesado sila sa pagbabago at may pakialam sila sa pagsasaayos ng sistema ng gobyerno. Kapag narereklamo ay may malasakit at kapag may malasakit ay may mga pagkilos at maraming magagandang bagay ang pwedeng makakamtan na makakabuti sa mamamayan at sa bayan.
Kapag wala nang nagreklamo, wala nang pagkakataon na maayos ang mga bagay na sa palagay ng marami ay dapat ayusin.
Tulad na lang ng mga reklamo sa mga isyu na may kinalaman sa transportasyon.
Napakarami ang mga reklamo na dumadating sa akin, lalo sa ating messaging sa FB page ng Lawyers for Commuters Safety and Protection. Minsan ay nakakagulat ang mga sumbong, ang iba ay parang simple lang pero malalim ang ugat na dapat bigyan ng sagot.
At kaming mga nasa public service, ay natutuwa naman na kami ay pinagkakatiwalaan ng ating mga kababayan sa paglalahad nila ng kanilang mga kwento at pagbibigay sa amin ng mahahalagang impormasyon para rin makatulong sa pagbibigay ng solusyon sa mga problema ng ating mga mananakay sa araw-araw.
Bisitahin ninyo ang ating FB page na Lawyers for Commuters Safety and Protection, para makita ninyo ang mga artikulo doon tungkol sa transportasyon at maaari kayong magpahatid ng mga kwento ninyo at mga sumbong.
Ang aking mga kaibigan na mga abogado rin na myembro rin ng grupo ay tulung-tulong sa pagsagot sa inyong mga reklamo.
Libre ang legal assistance sa mga tanong na may kinalaman sa problema ng transportasyon at welcome ang mga suggestions at mga tips.
Malaki talaga ang tulong ng social media din at hindi ako bumibitiw sa pag monitor ng mga comments ng ating netizens lalo kung ang isyu ay may kinalaman sa transportasyon.
Naniniwala ako na ang mga problema sa ating mga lansangan ay isa sa pinakamabigat na problema ng bayan kaya idinadagdag ko ang aking munting tulong, ang aking munting boses para maiayos natin ang kaya nating iayos para sa ikabubuti ng ating bayan. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
