MAY isang nagngangalang Mang Jimmy na taga-Tarlac ang nagsisilbing financier/operator ng lotteng sa apat na bayan ng 1st District ng lalawigan ng Batangas.
Ginagamit umano ni Mang Jimmy na kanyang “padrino” si Region 4-A Regional Director S/Supt. Valfrie Tabian sa operasyon ng kanyang bookies ng lotteng sa apat na bayan ng Batangas matapos niyang makopo ang operasyon ng iligal na sugal na lotteng sa mga bayan ng Balayan, Tui, Nasugbu at Lian.
Ang matindi pa rito, walang ipinagmamalaki si Mang Jimmy kundi direkta umano niyang ibinibigay ang kanyang timbre sa bagman/collector ni Gen. Tabian na kinilalang si Major Pineda ng Regional Special Operations Group.
Simula umano nang mapasok ni Mang Jimmy ang paglo-lotteng sa 1st District ng Batangas ay nilarga nito ang kanyang pasugalan sa buong nasasakupan ng Batangas para umano mabawi niya ang kanyang isinukang timbre sa kapulisan.
E, ang masakit pa rito, pati nga si Batangas PD Supt. Leopoldo Cabanag ay dedma kahit isang tambak na ang mga nagrereklamo sa lantaran at laganap na lotteng sa 1st District.
Dahil kaya sa nakatimbre rin sa kanya ang lotteng ni Mang Jimmy na dumaraan sa bagman/collector niyang sina Alex Mendoza at Ronald dela Cruz?
BOOKIES NG KARERA SA MAYNILA, PULIS ANG NASA LIKOD
Sa Maynila naman, namamayagpag pa rin ang bookies ng karera ni Lito de Guzman sa Sampaloc, Sta. Cruz, Binondo, Malate at San Andres.
Ang balita ko ay may mga pulis na kasosyo si Lito de Guzman kaya hindi natitinag ang kanyang bookies ng karera sa Maynila. Ano ba ito, PNP chief Gen. Ronald dela Rosa?
oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 0918292774764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
