PRINSIPYO ang nagbibigay lakas sa liderato ni Quezon City Police District((QCPD) Director S/Supt. Guillermo Eleazar kaya naman mula sa magulong lungsod ay unti-unti niya itong binabago ang mukha ng lungsod.
Bilang pruweba, kamakailan lamang, kinilala ni Eleazar ang katapatan ng isang miyembro ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) ng QCPD nang makapulot itong si SPO2 Raul Nadera ng isang pitaka na naglalaman ng P13,000 dahil sa malinis na pagkatao ng pulis ay nakipagtulungan ito sa Super radyo DZBB para maibalik sa may-ari ng pitaka na si Romeo Orbe.
Naisauli sa may-ari ang pitaka at pera nang walang labis at walang kulang.
Pinatunayan lamang ni SPO2 Nadera na may mga pulis pa na mapagkakatiwalaan at hindi magdadalawang-isip na magpakita ng katapatan.
Dahil sa malinis na pagkatao ni Nadera ay hindi nangiming bigyan ni Eleazar ng pagkilala ng katapatan ang nasabing pulis sa kanyang mabuting gawa nitong Lunes, Sept. 19, 2016 sa idinaos na flag raising ceremony.
Kabaligtaran naman sa ginawa ng dalawang tauhan ng QCPD Station 11 na inireklamo ng pangongotong na sina PO2 Marciano Cudia at PO2 Orlie Zinampan na nambiktima umano ng isang motorista na kinilalang si Adrian Ronquillo sa isang checkpoint noong September 12, 2016.
Sinita umano ng dalawang kotongerong pulis si Ronquillo, sa isang checkpoint na sinabing peke ang kanyang lisensya ng huli kasabay ng pagbitbit nina PO2 Cudia at PO2 Zinampan kay Ronquillo sa presinto at sinabihan na tawagan ang kanyang mga magulang.
Ang matindi rito, kinikilan ng dalawang pulis si Ronquillo ng apat na libong piso na ibinigay ng isang kaanak ng biktima sa isang fast food kapalit ng kalayaan ng huli at ng motorsiklo nito.
Bandang huli ay inereklamo ang mga kotongerong pulis ng kanilang hepe na si QCPD Station 11 Supt. Christian dela Cruz na ngayon ay nahaharap ang mga ito sa kasong extortion.
BOOKIES SA TAYSAN PADER DAW KAY MAYOR
Gumawi naman tayo sa Taysan, Batangas ang naghaharing uring bookies ng Small Town Lottery (STL) dito ay itong si Zaldy na dating hawak ni Clint.
Pader kay Taysan Mayor Grande Gutierrez ang bookies ni Zaldy dahil sa ipinagmamalaki nito na malaki ang ganansiya o tong na ibinibigay nito kay mayor.
Mayor, totoo ba ito?
oOo
Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764,09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA

