SABI ng iba, “napraning” si Senador Leila de Lima makaraang malaman na may nangyaring patayan sa National Bilibid Prisons.
Kay Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte nakatuon ang kanyang pagka-praning o galit.
Kung bakit ganu’n na lang ang inasal ni De Lima ay siya lang ang nakaaalam.
JAYBEE SEBASTIAN
Habang pinanonood si De Lima ng iba, nagtatanong sila: bakit ganu’n na lang ang galit nito kay Duterte?
Dahil ba umano kay Jaybee Sebastian na kabilang sa mga nasaksak at nasa ospital ngayon?
Itinuturing ni De Lima na “asset” si Sebastian at dito umano kumukuha si Madam Senator ng mga impormasyon laban sa mga druglord noong Justice Secretary pa siya. At bilang asset, kung magkita sila sa kubol ni Jaybee sa Bilibid ay 2-3 oras nang sila-sila lang.
Ang mga badigard umano ni Madam ay nasa labas lang at hinihintay lang kung kailan ito lalabas at palabas ng kulungan.
MAGBAKASYON
Payo naman ni Pang. Digong kay De Lima, magbakasyon muna ito at magpahinga.
Kasi kung magpapatuloy si De Lima sa kanyang ginagawa, baka magkaroon umano ito ng “nervous breakdown.”
Sa paliwanag ng mga doktor, maaaring patungo ang nervous breakdown sa sakit sa puso, sa alzheimer’s disease, high blood at iba pang ayaw ng lahat na magiging sakit.
Kaya nga, maaaring tama si Pang. Digong na sa pagsasabing magbakasyon muna ang senadora para makapagpahinga at makapag-isip na rin kung tama o hindi ang kanyang ginagawa.
KUNG HINDI NANALO
Marami ang pupwedeng pag-isipan ng senadora. Isa na rito ang nasabi niya mismo na kung hindi siya nanalo, maaaring hindi siya nagiging kaaway ni Pang. Digong o hindi siya idiniriin ngayon ukol sa droga.
Pero ukol sa droga, talagang dapat na pag-isipan niya ito dahil napakarami na ang testigo na lumalaban sa kanya at hindi naman siguro masabing puro imbento lang ang pinagsasabi ng mga ito.
Kabilang sa mga sinasabi ng mga saksi at kritiko ni De Lima ang hindi pagsurender ng nasa P300 milyong nasamsam sa mga druglord at kasama yata si De Lima sa operasyong doon natagpuan ang malaking halaga.
Siyempre pa, iba ang mga sinasabing pagpapaipon umano ni Jaybee Sebastian ng milyon-milyong halaga para sa kanidatura ni Madam para sa Senado at dito nga siya nanalo bilang senador.
Iba pa ang kalahating bilyong natanggap o naipasok-labas na P500 milyon sa bangko ni Ronnie Dayan na isang tsuper ngunit lover umano ni Madam.
Milyon-milyon din o nasa P38-milyon naman ang natanggap ng isang anak ni Ronnie Dayan at isa pang kamag-anak nito.
CARELESS WHISPER
Kung si Sandra Cam naman ang tinatanong, mas masahol umano sa sex scandal na careless whisper ang video scandal ni Madam Leila.
Sabi ni Sandra, babae rin siya kaya kahit alam niya ang pangyayari, ayaw na nitong panoorin. Pero kung gigipitin daw siya ng senador, aba, magkaalaman na umano.
Para naman kay Digong, hindi maganda para sa isang mataas na opisyal ng bansa ang may ganitong gawa.
At nang tanungin ni Madam kay Pangulo kung may gusto ito sa kanya dahil sa walang tigil nito na paglalabas ng carless whisper, sabi lang ni Digong, nasusuka siya.
‘Yun na. Hehehe!
Bahala ang dalawa na magpatutsadahan sa usaping ito.
MAG-ISIP PA
Kabilang sa mga isipin pa siguro ni Madam Senator ang kanyang mga nakaraan.
Sa pamamagitan ng kanyang “galing”, napaikutan niya ang Korte Suprema sa kaso ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ipinagmalaki naman ni Pangulong Noynoy ang nagawa ni De Lima, kasama na ang pagsasampa ng kaso sa PDAF boys na kalaban ng Liberal Party noon.
Noong kailangan na ng mga mamamayan ukol naman sa pagkakaisa sa mga kaalyado ng Malakanyang, nabokya ang mamamayan.
Malapit na kasi ang halalan noon kaya hindi “naharap” ni De Lima ang pag-iimbestiga sa mga kaalyado nila.
Ang lupet!
TAPOS NA
Isa pang dapat na pag-isipan ni MadamSenador ang katotohanang, hindi na ang kanyang partido ang mayorya ngayon.
Kaya mahihirapan na siyang igiit ang kanyang sariling kagustuhan. Mabuti kung may katwiran siyat sinasang-ayuan ng buong bayan.
Dito nga lang sa pagiging tserman niya ng Senate committee on justice and human rights, sinibak siya dahil sa halatadong pagmamaniobra nito na nakatuon sa paninira mismo kay Digong.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA