TIYAK ako na nakarating na ang kasong pandarambong na ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya, dapat seryoso at tapat na iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang napaka-maanomalyang pag-angkat ng Kolonwell Trading ng 469 trak para sa Bureau of Fire Protection (BFP) na dumating sa Maynila ang 469 trak mula Hunyo 2015 at Marso 2016.
Ang layunin ng imbestigasyon ay tukuyin kung totoo ang ulat na nadaya ang pamahalaan ng P411 milyong buwis at kung sino-sino ang sangkot na mga opisyal at kawani ng BFP at Bureau of Customs — at maging ang Kolonwell Trading.
Ayon sa ulat ni BOC Commissioner Nick Faeldon, idineklara ng Kolonwell Trading na P760,000 ang halaga ng trak na pamatay-sunog na 1,000 galon ang kapasidad, samantalang ang totoong halaga nito ay P6,237,762 batay sa “supply contract” ng BFP.
Ang halaga naman ng trak na pamatay-sunog na ang kapasidad o laman ay 500 galon ay P540,000, sa halip na P4,690,047, ayon pa rin sa BFP.
Nakarating sa tanggapan ni BFP OIC C/Supt. Bobby Baruelo na ang BFP ang nagbayad ng customs duties at iba pang kakabit na bayarin, samantalang napakalinaw sa kasunduan ng BFP at Kolonwell Trading na ang Kolonwell Trading bilang “consignee” ay siyang dapat na magbayad ng customs duties at iba pang bayarin sa pamahalaan.
Kaya, idiniin ni Faeldon na nalugi nang todo ang pamahalaan ng P411-milyon.
Sabi ni Faeldon, 10 opisyal at kawani ng BOC ang sangkot sa napakamaanomalyang transaksyon.
Nangako naman si Baruelo na paiimbestigahan niya ang naganap na krimen sa BFP Legal Department para malaman kung sino-sino ang mga kumita.
Dapat totohanan at tapat ang imbestigasyon na gagawin ng DOJ, BOC, at BFP para matukoy kung sino-sino sa BOC at BFP ang pumayag na pababain nang husto ang halaga ng 469 trak ng BFP at pumayag din na BFP ang magbayad ng customs duties at iba pang bayarin, kaya nalugi ng P411M ang pamahalaan.
Tiyak akong pasok sa kasong pandaramdong (plunder) ang naganap na krimen dahil P411-milyon ang halagang nadugas ng mga sangkot sa transaksyon.
Ayon sa batas, pandarambong ang kaso kung ang perang sangkot ay P50M pataas.
SERBISYO NG CCMC
MARAMING residente ng Lungsod Caloocan ang nakinabang sa medical mission ng Caloocan City Medical Center na nagsimula nitong Setyembre 26.
Ang proyektong inilunsad ni Mayor Oscar Malapitan ay may kinalaman sa ika-51 taong anibersaryo ng CCMC.
Idiniin ni Malapitan na mainam na sinamantala ng mga residente ang libreng proyekto, sapagkat sobrang mahal kung sa pribadong ospital magpapatingin ng iba’t ibang sakit ang mga residente.
***
Problema at hinaing n’yo, itawag o i-text sa 09985650271. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA