HINDI nakababahala kundi posible talaga ang sumbong sa atin ng ilang biktima (raw) ng PNP Bangketa. Ibig-sabihin po niyan, ang PNP Bangketa, sa halip na dalhin sa presinto ang mga suspek sa paggamit o pagbebenta ng iligal na droga ay sa tabi-tabi na lang ang aregluhan.
Hindi na bago ang estilong ito ng mga korap na miyembro ng pulisya. 1990 pa ay uso na ito o kaya naman ay “palit-ulo” sa mga nahuhuli.
Ibig-sabihin naman nito, kapag may nahuli at nahulihan ng iligal na droga, hindi ikukulong ang suspek kundi hihingan ng malaking halaga kasabay ang pagtuturo sa iba pang mga suspek.
Ang kaibahan lamang ngayon, doble hanggang triple na ang “tarya” o areglo para hindi ikulong at kasuhan ang mga gumagamit ng iligal na droga!
Kaya payo natin hindi lang kay NCRPO Regional Director PCSupt Oscar Albayalde at sa kanyang 5 na district directors, huwag puro huli sa mga iligalista kundi tutukan din ninyo ang inyong mga pulis. Marami pa ring bugok sa inyong hanay, kasama ang mga ninja!
Isa pa, huwag puro Oplan: Tokhang” o Oplan: Double Barrel. Ituloy ninyo ang checkpoints laban sa mga riding-in-tandem. Nawala na iyan. Lumala ngayon at gamit ang “vigilante” style ng pagpatay, siyempre, kayo pa rin ang mapagbibintangan ng taumbayan.
Hindi pwede na palagi na lang ninyo sasabihin sa amin na gawa ng “riding-in-tandem” ang pagpatay sa maraming biktima na may karatula. Pananagutan din ninyo na itama ang proseso ng paghuli, pag-aresto at paglambat sa gumagamit ng droga.
Hindi tanga o bobo ang mamamayan. Tahimik man ay naririndi na kami sa rami ng napapatay ng “vigilantes” at ito ay mali sa dilang mali. Hindi tunay na vigilante iyan kundi mga pakawala ng mga tulak na hindi na makapagbenta, hindi makasingil sa mga pushers nila.
Kailangan na magtalaga kayo ng matitinong pulis na ang misyon ay tutukan ang mga “pulis-bangketa” na tila nagpipista, lalo ngayon dahil doble tarya na ang singilan nila. Sino nga ba ang hindi matatakot mapatay?
Sinasamantala ng mga “dorobo” na pulis ang inisyatibo ni Pangulong RODRIGO ROA DUTERTE na linisin ang bansa sa kalat nang iligal na droga. Ito ang sangkalan ng mga tiwaling pulis. Sila naman ang bigyan ninyo ng pansin.
Hindi pwede na puro adik lang!
CPNP RONALD DELA ROSA Sir, baka gusto mong bigyan ng agad na atensyon ito at ipag-utos din muli ang checkpoint laban sa mga magkakaangkas o “riding-in-tandem”. BALETODO/ED VERZOLA