IPINAHAYAG ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleyo (DOLE) na inalis na ang deployment ban para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na may balidong kontrata na nagnanais muling magtrabaho sa Libya.
“Muli ng pinapayagan ng POEA Governing Board ang pagproseso at pag-deploy ng manggagawang Filipino sa Libya,” ani Bello, na siya ring tagapangulo ng POEA Governing Board.
Ipinalabas ng POEA Governing Board ang Resolution No. 16 na nag-aalis sa deployment ban ng mga pabalik na OFW sa Libya matapos ibaba ang Crisis Alert Level 4 ng Alert Level 2 (restriction phase).
Batay sa POEA GBR No. 16, papayagan lamang na muling ma-deploy sa Libya ang mga manggagawang Filipino na may balidong kontrata. Kinakailangang isumite ng mga nasabing OFW ang mga dokumentong itinakda ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli.
Ang mga nasabing dokumento ay ang kopya ng kanilang kasalukuyang kontrata; sertipikasyon ng sahod at benepisyo ng OFW; sulat mula sa kanilang employer na hinihilingna bumalik ang OFW; garantiya na ligtas at may seguridad mula sa sertipikasyon ng kompanya; medical at life insurance coverage; at garantiya na madali silang mapapauwi batay sa isinumiteng contingency plan.
Pinaalala ni Bello na mananatili pa rin ang deployment ban para sa mga bagong OFWs hangga’t walang ibinibigay na pahintulot.
Sinuspinde ng POEA Governing Board ang pagproseso at pag-deploy ng mga OFW patungong Libya noong 30 Mayo 2014 dulot ng kaguluhang-pulitika sa nasabing lugar.
Noong 13 Hunyo 2014, nagpalabas ang POEA Governing Board ng Resolution No. 9 kung saan may ilang skills categories ng manggagawang Filipino ang pinayagang iproseso at ideploy pabalik ng Libya. Noong 22 Hulyo 2014, ang POEA, sa pamamagitan ng GBR No. 17 ay dinagdagan ang skills category ng mga manggagawa Filipino na pinayagang bumalik sa Libya.
Sinabi rin ni Bello na noong 18 Agosto 2016, nagsagawa ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) ng pagbisita sa mga lugar-paggawa sa Libya upang alamin ang pangkalahatang sitwasyon sa nasabing bansa. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG