NGAYONG muntik na mapatay, at least, buhay pa ngayon habang tinitipa natin ito, mga Bro, si Jaybee Sebastian, lumabas naman ang isang anyo ng DDS.
At ipinangalan ito kay Senador Leila de Lima. ‘Yun bang === Delima Death Squad o DDS.
Dati-rati, eh, Davao Death Squad ang ibig sabihin nito na sinasabi ni Edgar “Di Kapani-paniwala” Matobato na ex-member siya.
PASIMULA NG DDS NI DE LIMA
Ang alam natin, malinis si Madam Senator, kahit naging inutil ito sa pag-aksyon laban sa media killings.
Pero nagkagulatan ang lahat nang palalim na nang palalim ang kontrobersya sa National Bilibid Prison.
May favorite inmate pala si Madam: si Jaybee Sebastian na isang druglord, ayon kay Sandra Cam, ang pangulo ng Whistleblowers Association.
Sa huli, inamin ni De Lima na “asset” niya si Jaybee na kasama niya sa kubol ng 2-3 oras na exclusive kada pupunta siya roon.
Para kay Sandra, si Jaybee umano ang nagpapatay kay Charlie Quidato na nagbibigay naman ng impormasyon ukol sa druglord na ‘to.
Sabi umano ni Quidato, may dalawang baul ng salapi at may mga malalakas na armas si Jaybee sa kubol nito sa Bilibid na pawang may kaugnayan sa droga.
Nang mapatay naman si Dr. Gerry Ortega, ng ABS-CBN, Palawan, nakatakas palabas ng Pinas ang mga suspek na mag-utol: Palawan ex-Governor Joel at Coron, Palawan Mayor Mario Reyes sa maniobra ng Bureau of Immigration na nasa ilalim ni De Lima bilang Justice Secretary at dating election lawyer nina Reyes.
Delima Death Squad ba ang tawag diyan?
ANG ASSET
Itong asset ni De Lima na si Jaybee Sebastian ay nasaksak sa parte ng dibdib sa isang kaguluhang naganap sa NBP nitong nakaraang mga araw lamang.
Pero naganap ito makaraang inguso mismo ni De Lima si Jaybee, bilang, kanyang number one asset, na siyang nagbibigay-impormasyon ukol sa ibang druglords.
Sinasabing ayaw magtestigo si Jaybee laban kay De Lima sa imbestigasyon ng Kamara ukol sa droga sa Bilibid.
Nitong huli, habang ginagamot sa ospital, gusto naman niyang magsalita ngunit kay Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte lamang.
Eh, kung maging asset naman ni Pang. Digong si Jaybee, anong mangyayari kaya?
SINO ANG NAGPAPATAY
Naging malaking katanungan kung sino ang nagpapatay kay Jaybee bagama’t nabigo.
Parang napapraning na si Madam Senator makaraang malaman niyang nagkagulo sa NBP at isa sa mga sinaksak ay si Jaybee.
Tanong ng marami: Bakit?
At bakit si Digong agad ang pinagsuspetsahan nito na may gawa sa pangyayari?
Tanong ng iba: Bakit hindi niya tanungin ang sarili makaraang i-expose nito sa madla na asset niya si Jaybee at ito ang naghuhudas sa kanyang mga kapwa druglord?
Kapalit naman ng pagiging hudas nito ang 2-3 oras na pagtatago nilang dalawa ni Madam Senator sa kanyang kubol, pagiging king of druglords habang nakalipat ang Bilibid 19 sa National Bureau of Investigation at pangangalap ng milyon-milyong salapi para umano sa kandidatura ni Madam sa pagkasenador nitong nakaraang halalan.
At sa huling mga araw na may palatandaang gusto nang magsalita si Jaybee, naganap nga ang pananaksak.
Surprise pa sa lahat, gusto na umanong magsumbong o magsalita si Jaybee pero kay Pang. Digong lamang.
Ngayon, sino nga ang gustong magpapatay kay Jaybee?
Isang malikot na tanong: Kung natuluyan si Jaybee, ganoon pa rin ba kaya ang galit ni Madam Senator?’
‘DI BALE NA LANG
Kung hindi rin lang magsabi ng totoo ang sinoman sa mga druglord ngayon sa Bilibid at puro kasinungalingan lang ang lahat ng kanilang mga sinasabi, ‘di na baleng mamatay o magpatayan sila lahat, ayon sa ating Uzi.
Unang-una, sinisira nila ang buhay ng milyon-milyong mamamayan.
Ikalawa, ginagago nila ang bayan sa pag-convert nila sa pamahalalan na kanilang lungga at pinanggagalingan ng kanilang kapangyarihan at pondo.
‘Yun bang === nakapagpapaupo sila sa puwesto ng mga kakosa, nagiging protektor nila ang mga heneral at nagagamit nila ang mga opisyal at pondo ng pamahalaan bilang kanilang proteksyon at pagkakaperahan.
Klarong-klaro ito sa kaso ng NBP na hindi ang gobyerno ang may kontrol dito kundi mga druglord at hawak pa nila sa leeg ang katulad ni De Lima at iba pang taga-Malakanyang na mas mataas pa sa mga heneral ng pulis na hawak o protektor nila.
Aba, okey na okey tayo na magpatayan sila.
Wala sanang problema ang bansa na ganito kagrabe kung wala ang mga druglord na ito.
oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
