HINDI ang maanghang at pagmumura ni Pang. Rodrigo Duterte sa mga kilalang leader ng ibang bansa ang dahilan ng pagbulusok paibaba ng piso kontra sa dolyar na ibinibintang ng mga walang magawang kritiko ng Pangulo.
Mismo na nga si Budget Sec. Benjamin Diokno na ang nagsabi na ang pagbagsak ng piso sa P48.25 kada isang dolyar ay dahilan ito ng naka-ambang pagtaas ng interest rate ng Amerika at hindi ang mga kontrobersyal na upak ni Pang. Duterte laban kina US Pres. Barack Obama, United Nation (UN) chief Ban Ki-Moon, European Union at iba pa.
Tinitiyak din ni Diokno na ito na ang pinakamahinang antas ng piso kontra dolyar sa loob ng pitong taon na, ayon naman sa isang expert na Foreign Exchange Analyst, na may posibilidad pang humina umano ang piso.
Idinagdag pa ng kalihim na kaya raw patuloy na lumalakas ang US dollars ay dahil sa napipintong pagtaas ng interest rate ng Federal reserve ng Amerika kaya ito ang dahilan kaya bumabalik sa US ngayon ang hot money mula sa ibang bansa.
SI MAYOR AT KERNEL ANG PADRINO
Isang alias JM ang bagong “Sakla King” sa buong Quezon City na walang pinagmamalaki kundi si Mayor Herbert Bautista at isang Kernel Campo.
Kaya naman wala ni isang gustong humuli sa kanyang mga pwestong saklang-patay at saklang wala namang patay sa Baesa, Balintawak, Bahay Toro, Sauyo, Sangandaan, Nepa Q Mart, Cubao at Laloma.
Ibang klase ang saklador na ito dahil kabago-bago lamang niya sa lungsod ay mabilis nitong nailatag sa lahat ng sulok ng mga barangay sa QC nang hindi man lang kumikilos ang pamunuan ng nasabing lungsod.
Mantakin mo, pati si Mayor Bistek ay napaiikot ng mamang ito….
Eh, magkano kaya ang casssssshhhh…?
***
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
