KAMAKAILAN ay inanunsyo ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang suspensyon ng sampung BOC officials at employees.
May kinalaman ito sa – aniya’y maanomalyang pag-angkat ng Bureau of Fire Protection ng 469 fire trucks noong panahon ni Noynoy.
Tinawag ni Faeldon na ‘grossly undervalued’ ang importation kaya nakawala ang daan-daang milyong pisong buwis na sana’y mapunta sa gobyerno.
Idineklara ng BFP na presyong P760,000 ang fire truck na naglalaman ng 1,000 galon ng tubig, samantalang ang 500-gallon fire truck ay P540,000.
Ayon sa komisyoner, ang BFP ay nag-import ng 244 units ng 1,000 gallon fire trucks at 225 units naman na 500-gallon fire trucks.
Ang importasyon ng mga truck ay naisagawa ng BFP sa pakikipag-joint venture sa mga kompanyang Kolonwell Trading at Hubei Jiangnan Special Automotive Co. Ltd.
Sa kontrata na isinagawa noong 2015, ang presyo ng 1,000 gallon capacity truck ay P6,237,762 samantalang P4,690,047 naman ang 500-gallon fire truck.
‘Yan ay base, ayon kay Faeldon, sa P2,577,275,000 na contract prize na nilagdaan ng BFP at ang dalawang import partner na kumpanya.
Dumating ang nasabing 469 fire truck sa Port of Manila, Manila International Container Port at Port of Batangas noong June 2015 hanggang March 2016.
Ang discovery ng naturang anomalya ang naging dahilan ng suspensyon ng 10 BOC personnel na iniutos ni Faeldon.
Ang nasabing mga opisyal at kawani na ito ay nakipagkutsabahan umano sa BFP, Kolonwell at Jiangnan para dayain ang pamahalaan sa ibabayad na buwis.
Ang ginawang pag-undervalue o pagpapababa ng totoong presyo ng mga truck ay isang paraan para bumaba ang buwis na babayaran ng importer.
Pero ang ‘sistemang’ ganito ay bawal sa batas dahil nadaraya ang ibabayad na buwis sa pamahalaan, ayon sa mga tax legal expert.
Dahil sa kwenta, mahigit P50-million ang nadugas sa buwis kaya maaaring kasuhan ng plunder ang mga sinuspindeng BOC personnel at pati na rin ang mga kasabwat nila.
Ang plunder ay non-bailable offense ayon sa umiiral na plunder law. Hiniling ni Faeldon sa Department of Justice na imbestigahan ang ‘nadiskubreng’ multi-billion fire truck importation anomaly para mapanagot ang dapat managot.
Bantayan natin ito dahil pera na naman ng bayan ang pinag-uusapan.
Ayaw ni DU30 ang ganyan. CHOKEPOINT/BONG PADUA