SAKIT ng ulo ni Sec. Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources itong pasaway na mining companies na namayagpag noong mga nakaraang taon.
Kahit may mga violation sa mining law, nagawa pa ng mga hinayupak na ito na makapag-extend ng lisensya at nag-expand pa ng kanilang mga operasyon sa pagpapaunlak ng Mines and Geoscience Bureau (MGB).
May mga padrino kasi ang mga kompanyang ito, ayon sa Alyansa Tigil-Mina (ATM) kaya nakapag-extend o nakapag-expand kahit labag sa Executive Order 79 ni dating Pangulong Noynoy.
Giit ng ATM na “midnight deals” ang pag-iisyu ng mga naturang lisensya o permit to extend o expand mula kay dating MGB director at ngayo’y Undersecretary Leo Jasareno sa mga huling araw ng termino ng Aquino administrasyon.
Bakit nga ba na-promote pa ang dating MGB chief kung may mga alingasngas na gaya nito. Aba’y kailangang magpaliwanag ang Jasareno na ito bago matiktikan ni Pangulong Rody Duterte.
Sabi ni Jayvee Garganera, ATM national coordinator, may 12 mining firms ang biniyayaan ng extension license ni Jasareno.
Ang tanong: Anong biyaya naman ang natanggap nitong si Jasareno sa kanyang pagiging galante sa pag-isyu ng lisensya sa buwang na mining companies?
Batay sa MGB website, may inaprubahan pang extension licenses itong si Jasareno noong June 28, dalawang araw bago mag-assume office si Digong.
Kabilang sa mga nasa listahan ang mga sumusunod: Sinosteel Phils. H.Y. Mining Corp. in Dinagat Island; Surigao Integrated Resources Corp., in Surigao del Norte; Chromerock Dev. Corp. in Eastern Samar; and Mt. Labo Exploration and Dev. Corp. in Camarines Norte.
Nabigyan naman ng license for expansion ang mga ito: Adnama Mining Resources, Inc.; Holcim Mining; Shangfil Mining and Trading; Kingking Mining; Core Mining Corp.; Stagno Mining; Sinophil Mining; Quarry Ventured Phils. Inc.; Rapid City and Dev. Corp.; Global Mini-Met Resources; Parvisgold, Inc.; Mina Tierra Gracia, Inc.; Investwell Resources, Inc; Surigao Integrated Resources Corp., Shuley Mine, Inc.; Mt. Labo Exploration; and Westchinamin Corp.
Kung mapatutunayan na may ginawang kabulastugan itong si Jasareno at sampu ng kanyang mga alipores, at maging dati nilang bossing, humanda silang matalupan!!! DEADSHOT/ERWIN TULFO