DATI-RATI, kilala ang Maynila bilang “Sin City” dahil na rin sa rami ng mga establisimyento rito na kilala bilang “red house” o lugar ng mga babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw.
Subalit tila unti-unting nawawala na ang mga lugar ng kasalanan sa lungsod na pinamumunuan ni Mayor Joseph Ejercito Estrada.
Sapagkat mahigpit na ang bilin ng dating Pangulo at ayaw na niyang mabansagan ang Maynila bilang “Sin City” ngunit gusto niyang makilala ito bilang lungsod na maunlad.
Kaya lang, ilang konsehal pa rin ang hindi namamalahibo at sa halip ay patuloy ang kanilang pagbibigay-proteksyon sa ilang kilala at sikat na prostitution house sa lungsod ng Maynila.
Ang masaklap, itinuturo nitong mga konsehal na protektor ng iligal na establisimyento ang ilang bagong konsehal na nangangalaga umano ng putahan.
Hindi kaya nahihiya itong konsehal na nagmamagaling at nagtuturo na sa kanya na tatalbog ang kanyang mga salita at bintang?
Aba’y batid naman ng marami na gawain ng grupo nila ang pagbibigay ng proteksyon sa mga iligal na negosyante sa Maynila.
Siyempre may malaking kapalit ang proteksyon at alalay na kanilang ibinibigay sa mga negosyanteng kumikita sa maling paraan.
Sa distrito lang ng isang nagmamagaling na konsehal ay pangalan niya ang matunog na protektor ng dalawang malaki at kilalang prostitution den.
Nanggagalaiti ngayon ang konsehal na ito dahil hindi mabigyang-luwag ang negosyong putahan na kanyang pinakikinabangan. Kaya naman, binabalingan at pinag-iinitan niya ang ibang negosyo na ligal ang laban.
Sabagay, wala na rin sa konseho ang ilang kasamahan ng konsehal dahil hindi na rin tinangkilik ng kanilang mga botante at hindi na binigyang tulong pinansyal ng ilang negosyante, lalo na ang mga Koreano na kanilang niloko.
Ayon sa ilang malalapit na kaibigan nitong konsehal, mabait umano ang opisyal na ito na halal ng taumbayan.
Madali umanong lapitan at utangan pero madalas nga lang umano manloko ng ilang negosyante na kaya niyang paikutin sa kanyang mga palad.
Mismong si Mayor Estrada ang nagsabi na napakatalas ng konsehal na ito. Mabuti na lang ay hindi ito kabagang ng alkalde. PAKUROT/LEA BOTONES

