KAMAKAILAN, inakusahan si Bureau of Customs Commissioner Nick Faeldon ng pambabastos kay Finance Sec. Carlos Dominguez dahil hindi umano ito humingi ng permiso sa kalihim bago suspendihin ang 10 opisyal at kawani na pumayag na papasukin sa bansa ang 469 firetrucks noong Pebrero 2015 hanggang Marso ng taong kasalukuyan kahit na masyadong pinababa ang mga halaga nito.
Palampasin natin si Faeldon kung nagkamali. Ang mahalaga ay seryoso at tapat siya na tumbukin ang lahat ng mga may kasalanan sa maanomalyang kontrata ng Bureau of Fire Protection at ng “joint venture” ng Kolonwel Trading at Hubei Jiangnan Special Automobile Co. Ltd. sa 469 firetrucks na gawang China.
Ang sabi ni Faeldon sa press conference, P141 milyon daw na customs duties at iba pang bayarin ang hindi napunta sa pamahalaan dahil sobrang ibinaba ang mga presyo.
Ang trak na P1,000 galon ang kapasidad ay naging P760,000 ang halaga, sa halip na P6,237,762 na siyang nakalagay sa “contract price” ng BFP. Ang presyo naman ng trak na 500 galon ang kapasidad ay P540,000, imbes na P4,690,047 na siyang tunay na presyo.
Ang nakapagtataka, naging “consignee” ang BFP, kaya ito ang nagbayad ng buwis, sa halip na ang Kolonwel Trading at Hubei Jiangnan Special Automobile Co. Ltd.
Sabi ni C/Supt. Bobby Baruelo, BFP OIC, dapat ang nagbayad ng customs duties ay ang dalawang pribadong kumpanya at hindi ang BFP.
Napakalaking halaga ng P141M na hindi napunta sa pamahalaan. Napakaraming pamilya ang maaaring mabigyan ng puhunan upang makapagtayo ng maliit na negosyo para gumanda ang buhay kaysa mag-abang ng perang ibibigay buwan-buwan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kung P141-milyon ang nawala sa pamahalaan dahil sa kaduda-dudang kontrata ng BFP at ng joint venture ng Kolonwel Trading at Hubei Jiangnan Special Automobile Co. Ltd., pasok na pasok ito sa kasong “plunder.”
Kaya, dapat seryoso si BOC Commissioner Nick Faeldon sa kasong ito—at hindi sana hanggang press conference lang.
Sana totoo rin ang pangako ni C/Supt. Baruelo na paiimbestigahan niya kung bakit bumaba nang todo ang presyo ng 469 trak ng BFP at kung bakit BFP ang nagbayad ng buwis.
Sana hindi press release ang pangako mo Chief Supt. Baruelo!
xxx
ITO ANG DAPAT!
NARARAPAT NANG MAGRETIRO ANG ASSESOR SA MANGATAREM, PANGASINAN DAHIL SOBRANG KUPAD NITONG PUMIRMA SA MGA PAPELES NA DAPAT NITONG LAGDAAN.
MAYROONG MAGREREKLAMO SA ASSESOR NA ITO SA CIVIL SERVICE COMMISSION (CSC) PARA MATANGGAL NA SA PAMAHALAAN.
===
Problema, o hinaing n’yo itawag, o text sa 09985650271 BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
