NGAYON pa lang ay matunog na matunog na ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bawat panig ng mundo dahil na rin sa kanyang pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga sa ating bansa.
Bagama’t may ilan na hindi naniniwala na matutuldukan ni Duterte ang paglaban sa droga ay patuloy naman ang ating Pangulo at ang Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng gobyerno na sugpuin ang salot na ito.
Kabi-kabila ang ginagawang pagsalakay ng mga tauhan ng PNP sa mga pinaniniwalang pinagkukublihan ng mga drug pusher at user na nagreresulta sa pagkahuli sa mga ito habang ang mga nanlalaban naman ay napapatay sa operasyon.
Maging ang napakalaking shabu laboratory sa Arayat, Pampanga ay natuklasan din ng mga awtoridad at kasalukuyang inihahanda na ang kaso sa mga Chinese national na sinasabing operator ng natuklasang laboratory.
Mangilan-ngilan lamang sa mga Filipino ang tumututol sa pinaigting na kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga at hindi natin maintindihan sa mga kababayan nating ito kung ano ang kanilang ginagawang pagtutol.
Tanging ang mga druglord, pusher, user at protector ang alam nating matindi ang pagkontra sa kampanyang ito ngunit bakit ang iba nating kilala na hindi naman gumagamit ng iligal na droga ay kumokontra rin sa drug campaign na ito.
Kapag tuluyang nagtagumpay ang ating Pangulo sa kampanyang ito laban sa droga ay tiyak na kikilalanin na ito sa buong mundo dahil tanging siya lamang ang naglakas-loob na labanan ang salot na ito na ang sangkot pa sa pagpapakalat ay ang mga kilalang tao at politiko.
Tiyak din na hahangaan ng ibang mga pinuno ang pagpupursige ni Duterte na matuldukan na ang problemang ito sa droga dahil maraming buhay na rin ang nasayang dahil sa paggamit na bisyong ito na labis na nakasisira sa katawan ng mga taong gumagamit.
Hiling lang natin sa ating mga kababayan na hanggang ngayon ay kumokontra sa kampanyang ito na suportahan na lamang ninyo ang ating Pangulo dahil tayong lahat din naman ang makikinabang kapag nabuwag na ang sindikato ng droga sa ating bansa.
Kung ang ibang mga dayuhan nga ay humahanga sa adhikain ni Duterte na matapos na ang problema sa droga, ikaw pa kaya na isang Pilipino.
O baka naman iba ang lahi mo? ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
