UNANG itinuring na “high value target” ng Philippine National Police ang tinaguriang “Ninja Cops” dahil sa umano’y kaugnayan ng mga ito sa iligal na droga.
Noong una, marami ang bumibilib sa “Ninja Cops” dahil sa husay ng mga ito na manghuli ng bigtime drug dealers kung saan milyong pisong halaga ng shabu ang nakukumpiska.
Maraming opisyal ng PNP ang pinayaman ng mga ito kasabay ng pagtatamasa ng yaman na galing sa bawal na gamot na sumira ng buhay ng maraming haligi at ilaw ng tahanan at mga kabataang itinuring na “Pag-asa ng Bayan.”
Nang makilala at maipatapon sa Mindanao ang ilan sa ninja cops, pinagtutuunan naman ngayon ng oras at panahon ng PNP ang ilan pang pulis na nabatid nilang sangkot sa bentahan ng iligal na droga.
Sa Manila Police District, may mangilan-ngilang pulis na itinuturing na HVT at pinaglalaanan ng oras at panahon upang matiyempuhan ang mga ito.
Pero nakapagtataka kung bakit meron ding ilang pulis na sinasabing ipinatapon na sa Mindanao dahil kilalang sangkot sa bentahan at pagbibigay proteksyon sa droga subalit nabatid na nasa lupa pa rin ng Maynila.
Ang masaklap, tumatayong bagman pa ang mga ito ng ilang station commander.
Ibig bang sabihin nito ay walang ginagawang validation ang MPD kaugnay sa mga sangkot sa droga? Aba’y dapat na kumilos si Sr. Supt. Joel Napoleon Coronel, MPD acting director, upang matigil na ang alingasngas na ilang “bagman” ng kanyang mga opisyal ay sangkot sa droga at itinuturing na HVT.
Dapat na ring matigil ang iligal na gawaing pagtutulak ng droga ng isang pulis na dating nakatalaga sa istasyon at ngayon ay nasa headquarters na.
Tambayan ng pulis na ito ang isang apartelle sa Rizal Avenue o Avenida kung saan doon inaangkat mula sa kanya ang droga patungo naman sa isang chairman ng barangay na nagyayabang na untouchable siya dahil sa kanyang koneksyon sa mga opisyal ng pulisya.
Pansamantalang kapani-paniwala ang chairman na ito na isa siyang untouchable hangga’t hindi siya hinuli ng mga pulis at mabunyag ang kanyang iligal na gawain.
Naniniwala ang Pakurot na ang lahat ay may hangganan. Matatapos din ang inyong pamamayagpag sa ngalan ng droga. PAKUROT/LEA BOTONES
