TALAMAK ang bentahan ng droga sa maraming lugar sa Caloocan City partikular sa nasasakupan ng District 1 sapagkat nandito ang maraming madidilim na lugar kung saan pwedeng gawin ang abutan ng biniling iligal na droga.
Subalit dahil mahalaga ang katahimikan at kaayusan sa nasasakupan, nagtulong ang mag-amang Mayor Oscar “Oca” Malapitan at District 1 Congressman Dale Gonzalo “Along” Malapitan upang mabigyang liwanag ang madidilim na lugar sa Caloocan Bukid.
Ang mga barangay Caybiga, Llano, Deparo, Bagumbong, Bagong SIlang at Camarin ay pawang pinalagyan ng ilaw ang mga poste sa mga kalye nang sa gayon ay matigil ang iba’t ibang krimen lalo na ang pagbebenta ng droga.
Nagliwanag ang maraming lugar, lalo na ang mga pangunahing lansangan, kung kaya marami na sa mga residente na nagtulong-tulong at nagkaisa upang manalo ang mag-ama noong nakaraang eleksyon ay kampanteng naglalakad, nag-aabang ng mga sasakyan at nagnenegosyo.
Malaking bagay para sa mga residente ang nagawa ng mag-amang ang nais ay umasenso ang lungsod na matagal-tagal ding natulog pagdating sa usapin ng pag-unlad.
Sa mga hakbangin ng mag-ama, makikitang todo ang suporta nila sa kampanya laban sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte, patunay lang na mahal nila ang mga taong naglagay sa kanila sa puwesto upang maging serbisyo publiko.
Si Cong. Along ay malaki ang pagmamahal sa kanyang mga nasasakupan kung kaya pinipilit nilang lagyan ng pondo ang mga proyektong may kaugnayan sa pag-unlad ng kanyang distrito.
Batid ng batam-batang mambabatas na ang isang paraan ng pag-asenso ng isang lungsod ay ang pagbibigay-halaga sa mga kabataan na itinuturing na pag-asa ng bayan.
Kaya naman, tuloy-tuloy ang ginagawa niyang pagtutok sa magagandang proyektong pampublikong pampaaralan na ang makikinabang ay hindi lang mga mag-aaral na kabataan kundi maging ang mga guro na gumagabay sa kanila.
Ayon nga sa mga guro sa Distrito 1, napamahal na sa kanila ang mag-amang Malapitan dahil hindi lang pagmamahal ang ibinibigay ng mga ito sa kanila kundi maging respeto na kailangan nila bilang tao. PAKUROT/LEA BOTONES
