MATINDI ang dedikasyon ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na ganap na mapagtapos sa kolehiyo ang lahat ng Valenzuelaños dahilan upang ipasa ng Sangguniang Panlungsod ang “Free Higher Education Ordinance” na siya ring adbukasiya nina Senator Win Gatchalian at Congressman Wes Gatchalian ng unang distrito ng lungsod.
Sa pamamagitan ng Ordinance Number 297 series of 2016, magiging libre na ang pag-aaral ng mga college student sa Valenzuela City Polytechnic College (ValPoly) at Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela (PLV) na itinatag noong March 2000 at June 2002, ayon sa pagkakasunod.
Lumalabas kasi sa pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB), kada taon ay lumiliit ang bilang ng mga college student na nakapagpapatala sa kanilang pinapasukang college institutions dahil na rin sa kakulangan ng perang panggastos.
Dahil dito, kakaunti lamang ang mga mag-aaral na nakapagtatapos ng kanilang pag-aaral at ilan din lamang ang nakakukuha ng maayos na trabaho habang ang ilan naman ay napipilitang pumasok sa hanapbuhay na maliit lamang ang kita.
Ilan naman sa mga kabataang ito ang tuluyang napapabayaan ng kanilang mga magulang kaya’t ilan sa mga ito ay naliligaw ng landas na kadalasang napapasama sa masamang barkada na nagiging dahilan din ng tuluyang pagkasira ng kanilang buhay.
Labis na naapektuhan ng suliraning ito si Mayor Rex kaya nang ihain ang free higher education ordinance sa Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela ay labis na nagalak ang alkalde at hayagan ang ginawa nitong pagsuporta sa ordinansang pinangunahan ni 1st District Councilor Rovin Feliciano.
Sa taya ng lokal na pamahalaan, humigit kumulang sa anim na libong college students sa Lungsod ng Valenzuela ang makikinabang sa ordinansang ito na sisimulan ngayong second semester ng school year 2016-2017.
Maraming mga magulang ng mga college student ang natuwa sa hakbang na ito ng lokal na pamahalaan at ang iba pa ngang residente ng mga karatig na lungsod ay nainggit dahil hindi na mahihirapan ang guardians ng mga mag-aaral sa kolehiyo sa Valenzuela City.
Saludo tayo sa pagpupursigeng ito ni Mayor Rex at ng Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela dahil ipinakikita lamang ng mga ito ang kanilang dedikasyon na mapabuti ang kabuhayan ng kanilang mga constituent sa pamamagitan ng pagpasa ng mga makabuluhang ordinansa.
Pangako pa nga ni Mayor Gatchalian na ipagpapatuloy nila ang kanilang pagbibigay ng mga makabuluhang proyekto sa buong lungsod, lalo’t higit iyong mga pakikinabangan ng mas higit na nakararaming residente. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO