ISA na namang Chinese national ang tinukoy na source ng P200 milyong halaga ng shabu na nakumpiska ng mga awtoridad sa lalawigan ng Pampanga.
Kinilalang si Wang Cuo Cai, alyas Ryan Ong, ang pinagmulan ng iligal na droga na nasa 10 bag na may tig-isang kilo ang bigat na natagpuan ng mga operatiba ng Philippine National Police Office 3 sa isang abandonadong kotse sa Brgy. San Vicente, Apalit, Pampanga.
Natunton ang kontrabando sa tulong ng “tip” na ibinigay ni Raymond Dominguez, isang convict na nasa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa.
Hindi pa nililinaw ng mga awtoridad ang koneksyon ng kilabot na carnap gang leader sa drug mafia at kung bakit niya inilaglag si Wang.
Sana’y matalakay sa state visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing ang isyu ng Chinese connection ng drug traffickers sa Pilipinas.
*****
Kung bakit sandamukal na Chinese druglords ang namayagpag dito sa ating bansa ng mga nakaraang taon.
Bakit hindi pagpaliwanagin ang Bureau of Immigration, partikular na ang mga intelligence official na namamayagpag hanggang ngayon?
Naging talamak ang korapsyon sa Department of Justice partikular na sa proteksyon ng alien druglords noong nakaraang administrasyon.
Iyan ang dapat pang silipin ng Kongreso, ang human trafficking ng Chinese drug traffickers diyan sa Ninoy Aquino International Airport.
Dapat mabunyag kung sino ang “sumasalubong” o nagpapapuslit sa mga demonyong dayuhan na ‘yan!
Isang pederasyon ng Binondo businessmen na pinamumunuan ng isang “Mr. D” ang umano’y sangkot sa human trafficking ng mga Tsino sa NAIA.
Naniniwala akong hindi papayag si Immigration Commissioner Jaime Morente na mapaikutan ng mafia ni Mr. D!!!
Hindi kakaunti ang mga Tsino na sangkot sa multi-billion peso illegal drugs business at money-laundering sa Pilipinas.
Dito nila ginagawa ang hindi nila magawa sa kani-lang bansa kung saan kinakatay sila at walang nagngangangawa!!! DEADSHOT/ERWIN TULFO