POSIBLE umanong magkaroon ng minor reshuffle sa Manila Police District (MPD) dahil sa umano’y death threat na ipinarating sa ilang opisyal ng pulisya bunga ng pagkamatay ng isang chairman, isang kagawad at limang iba pa sa isinagawang pagsalakay sa Quiapo, Maynila kaugnay sa mas pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa sobrang salot at iligal na droga.
Ito umano ang posibleng solusyon sa planong pagganti ng ilang kaanak ng mga napatay.
Ayon sa source mula sa intelligence community, pinalalamig lang umano ng ilang kamag-anak ng mga napatay ang isyu bago sila gumawa ng pagganti sa ilang opisyal at mga tauhan nito na sinasabing sila ang mga namaril sa mga nasawi.
Dahil sa natanggap na balita, isa sa mga station commander na kasama sa police operation ay nagpapalipat ng puwesto sapagkat batid niyang mainit siya sa mata ng mga kamag-anak ng nasawi sa operasyon na pinangunahan ng National Capital Regional Police Office, MPD at Highway Patrol Group.
Malaking salapi umano ang tinipon ng mga kaanak ng napatay na chairman at kagawad upang ipambayad sa “sparrow unit” o “gunmen” na kanilang inupahan upang isagawa ang pagpatay.
Sinabi ng source na nagmula pa sa Mindanao ang mga inupahang mamamatay-tao at posibleng tatapusin lang ang “Araw ng mga Patay” bago nila gawin ang plano.
Kung hindi man, tila palalamigin muna nila nang todo-todo ang usapin sa Police Operation at “Extrajudicial Killing” bago ipatupad ang planong pagpaslang sa mga hepe ng pulisya.
Sa madaling salita, posibleng tapusin muna ang anim na buwang pangako ni Presidente Rodrigo Duterte na tatapusin niya ang laban sa droga bago gawin ng pamilya o kamag-anakan ng mga napatay ang kanilang planong paghihiganti.
Nang sa gayon nga naman ay mailigaw nila ang imbestigasyon sa kaso.
‘Yan ang akala nila. Hindi pa nga nila pinaplano ay pinaghahandaan na sila.
Baka hindi batid ng kaanak ng mga napatay na ang isa sa tinatarget nilang gantihang opisyal ay mula sa isang malaking sekta ng relihiyon sa bansa na iisang boses kapag nagdesisyon at lumaban.
Aba’y hindi kailangang hintayin pa ng pamahalaan at pulisya na magkaroon ng malaking trahedya sa administrasyon ni Pangulong Digong subalit kailangang ngayon pa lang ay mapigilan na ang posibleng pagdanak ng dugo. PAKUROT/LEA BOTONES