NAGLANTARAN ang mga mala-propeta sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa China.
Isa lang para sa atin ang kanyang misyon, una sa lahat, papayagin ang China na muling makapangisda sa Bajo de Masinloc/Panatag o Scarborough Shoal ang ating mga mangingisda!
Kahit nanalo na tayo sa usapin ng teritoryo sa dagat sa Arbitration Court sa The Hague batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), paulit-ulit na sinabi ni Pangulong Duterte, hindi niya muna igigiit ito sa kanyang working visit.
“Hindi natin kayang makipaggiyera sa China sa ngayon,” sabi ni KA DIGONG.
Idinugtong pa niya na “madudurog lang tayong mga Filipino, kahit gaano pa tayo katapang” sa lakas ng kanilang military at sa rami ng Peoples Liberation Army (PLA).
Ganoon kasimple mag-isip ang Pangulo na totoo naman. At ang giyera ay wala sa isipan ng sinoman na Filipino.
Tanging ang imperyalistang America at ang mga kaalyado nito ang gusto magsulsol ng gulo para mauwi sa giyera ang mga bansa.
Maganda rin naman ang payo sa kanya ng mga nagsitanda at mga retirado nang Filipino diplomat – “mag-ingat sa pakikipag-kaibigan sa China” – traydor daw ito?
Ganyan din ang sinabi sa atin ng mga kaibigan natin mula sa iba’t ibang diplomata sa bansa, traydor nga daw talaga ang China.
Maski mga dating lider natin ay nag-aalala sa gagawin na pakikipagkaibigan ni Pangulong RODY sa komunistang China.
Normal lang iyon dahil kilala naman natin sila na mga “pinagpalang Amboy” kaya nanalo, eh.
Ngunit papaano kung mapalambot ni Pangulong Duterte ang China at pumayag sila na balik-Bajo de Masinloc ang mga mangingisda natin?
Papaano kung totoo na papasok ang mga negosyanteng Intsik ng China ay hindi bababa kaagad sa US$3 bilyon ang bubuhos na kapital nila sa Pilipinas?
Papaano kung bubuhos pa ang mga pilantropong Intsik na tutulong sa pagpapagawa ng mga imprastraktura para sa mga nangangailangan ng aruga ng pamahalaan?
Halimbawa riyan ang pang-10 libo katao na drug rehabilitation center sa Laur, Nueva Ecija?
Eh, ano ngayon kung maghari ang gusto ng China na 50-50 ang hatian sa anomang yaman ng dagat sa West Philippine Sea?
Sa Malampaya Gas, 90% sa Shell at Caltex at 10% sa Pilipinas! Tama ba ‘yun?
Ang mahalaga sa pagtungo ni Pangulong Duterte sa China ay makabalik ang mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc! BALETODO/ED VERZOLA