NASAAN na nga pala ang isang panukala noon sa Kongreso na bigyan ng libreng parking ang kanilang mga kostumer?
Hindi lang yata nakatulog at naghihilik kundi natokhang na.
Tinatanong natin ito, mga Bro, dahil sa isang reklamo na ipinarating sa atin ng isang kostumer ukol sa parking fee ng Lucky Chinatown sa Binondo, Manila.
MANGANGATAS
Naloka umano ang nasabing kostumer nang singilan siya ng Lucky Chinatown nang hindi niya inaasahang parking fee.
Namili umano siya sa loob ng nasabing mall pero nagtagal siya sa pwesto ng Globe dahil sa rami ng kostumer dito
Hindi siya nag-isip ng anomang hindi magandang pagtrato ng mall sa mga kostumer nito dahil suki nga umano siya rito.
Perol taliwas sa kanyang inasahan, kakatasan pala siya ng mall na matagal na niyang suki sa parking fee.
At ganito rin ang gagawin ng mall sa lahat ng kostumer nito mula sa Oktubre 1 hanggang Disyembre 31, 2016.
SOBRANG MAHAL
Dati-rati, affordable ang parking fee sa Lucky Chinatown. Pero biglang nagpamahal ito ng parking fee at itinaon pa sa panahon ng Pasko.
Heto ang patakaran, mga Bro, na kinunan ng litrato ng ating kostumer.
Sa loob ng panahong nabanggit, maniningil na ang mall ng P100 para sa unang tatlong oras at P50 bawat oras makaraan nito… kung mag-park ka bago ang operasyon ng mall.
Kung nag-o-operate na ang mall, P50 naman ang singil sa unang tatlong oras at P20 para sa ika-4 at ika-5 oras.
Pero naabutan ka ng ika-6 na oras, kahit minuto lang ang diperensya, P40 na ang singil.
Kung mag-park ka naman sa gabi bago mag-alas-10 at aalis ka dakong alas-3 ng madaling-araw, may babayaran ka rin.
Sabi, bawat fraction, maaaring segundo lang at hindi minuto, ituturing nang isang oras ‘yan. Kapag nawala o nawaglit mo ang iyong tiket, anak ng tokwa, sisingilan ka ng P300.
Doon sa patakaran sa ika-6 na oras umusok ang bumbunan ng nagreklamo sa atin at sa pangkalahatang patakaran na pinamahal ang singil sa parking fee.
HINDI SA IBA
May mga mall na hindi ganito ang trato sa kanilang mga kostumer. Hahayaan ka lang na mag-park at kailangan lang ang resibo na may binili ka sa loob ng mall.
May mga libre talaga at tanging tiket ang iniisyu sa iyo para maiwasan ang carnapping.
‘Yung iba, hindi nagbabago ang singil sa parking, ke Pasko o hindi kaya hindi mo kailangang mag-isip na dinarya ka o pinagsasamantalahan ka.
Para masubukan ninyo, mga Bro, hindi naniningil ng parking fee ang Waltermart at Puregold.
LUCKY CHINATOWN IWASAN
Iisa lamang ang ibig-sabihin ng nagrereklamo na kumuha ng ebidensya sa patakaran ng Lucky Chinatown sa parking fee.
Kung ayaw ninyong mapagsamantalahan sa parking fee, huwag na kayong mag-park sa mall na ito.
Sa nangyari sa kostumer na nagreklamo, lumalabas na sa halip na bigyan ka ng goodwill kahit sa parking lamang, ginawa pang pagkakitaan mismo ng mall ang pag-park mo kahit kostumer ka nila.
Eh, kung iisipin mo nga naman, makabili ka naman ng gusto mo sa ibang mall na libre o affordable lang ang parking fee.
Mungkahi natin sa mall: maging friendly kayo sa inyong kostumer para dayuhin kayo riyan, kahit sobra ang trapik papunta riyan araw-araw.
MGA PULIS
Sikat na sikat ang mga pulis ngayon. Tsampiyon sila sa laban sa droga.
Pero may mga kakaiba na kapuna-puna ang kilos. Halimbawa ang pakikitungo o pagturing ng isang pulis sa gampanin ng isang mediaman. Nangyari ito kay kapatid nating si Rolan Bola, reporter ng GMA-DZBB.
Nagmula ang sigalot nang tumakbo at kumuha ng balita si Bola sa naganap na umano’y pagbangga ng isang Pajero sa ilang indibidwal sa harapan ng Metro Antipolo Hospital.
Minamaneho ang Pajero, CST 140, ni Carlos Abdullah Teperdjhian. Ikinagalit umano ni PO2 Stephen Purugganan ang pag-interbyu ni Bola sa mga biktima habang naka-confine ang mga ito sa Amang Rodriguez Hospital.
Obstruction of justice ang ibinintang ni Purugganan kay Bola sabay posas dito at dalhin sa Antipolo Police Station.
Hindi tinanggalan ng posas si Bola kahit sa oras ng medical check-up nito at hindi rin pumayag maging ang Hepe ni Purugganan na pakawalan si Bola sa kabila ng ating pakiusap.
Tanong natin: Bakit dinala sa Antipolo si Bola sa halip na sa Marikina Police kahit sakop ng Marikina ang krimeng ibinintang ni Purugganan kay Bola?
Isa pa, kailan naging obstruction of justice ang pag-iinterbyu at pag-uulat ng mediaman sa isang pangyayari?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA