HINDI tuloy ang eleksyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan ngayong Oktubre alinsunod na rin sa ipinasang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte alinsunod sa mungkahing batas ng Kongreso.
Sa susunod na taon ang eleksyon ng dalawang organo ng pamahalaan, ayon sa nasabing batas.
Kung ako ang mambabatas, maghahain ako ng panukalang batas na magtatanggal sa Pamahalaang Barangay at Sangguniang Kabataan mula sa istraktura ng pamahalaan, sapagkat sa aktwal na implementasyon ay wala naman silbi ang dalawang nabanggit na mga organo sa mga pamayanan.
Hindi naman nakatutulong ang mga ito sa pagpapatigil ng iligal na droga, mga pasugalan tulad ng jueteng, mga magnanakaw. Hindi naman nito natitiyak na malinis ang kapaligiran at marami pang hindi nagagawa ng mga opisyal at kawani ng barangay at SK.
Ang masama, maraming opisyal at kawani ng barangay at SK, kabilang na ang mga barangay tanod, ang arogante at bastos makipag-usap sa mamamayan.
Nakatatakot ang mga taong ito, dahil nasa pinakamababang yunit ng pamahalaan pero kung umasta’y parang pag-aari nila ang barangay at SK—at akala mo’y nasa kapangyarihan sila hanggang sila ay nabubuhay.
Ang iba naman ay ginagamit ang kanilang pagiging opisyal sa barangay upang kumita sa iligalidad tulad ng iligal na droga at mga sugal gaya ng nagaganap sa Maynila, Caloocan, Taguig, Pasay, at Pasig.
Sabi ni Duterte, nasa 8,000 opisyal ng barangay ang pasok sa bentahan ng iligal na droga.
PUNTA KAYO SA JOB FAIR
SA Oktubre 27 (Huwebes), nakatakda ang Job Fair na inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Caloocan na pinamumunuan ni Mayor Oscar Malapitan. Katuwang ng pamahalaang lokal ang Zabarte Town Center.
Gaganapin ang Job Fair sa ikalawang palapag (Mall Activity Area) mula 1:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, kaya punta na ang mga walang trabaho.
Napapanahon ang proyektong ito ni Mayor Malapitan dahil makatutulong ang Job Fair sa mga walang trabaho na magkatrabaho upang kumita ngayong magpa-Pasko na naman.
Maganda itong ginagawang paghahanap ng trabaho ni Mayor Malapitan para sa mga residente ng Caloocan na walang trabaho.
Pero, sana ang mga trabahong iaalok ay regular at nasa minimum ang sahod, sapagkat iyan ang gustong mangyari ng administrasyong Duterte.
Dapat, kaagapay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng pamahalaang lokal sa pagpapatigil ng kontraktuwalisasyon at pagtitiyak na naiimpliementa ang minimum na sahod (P491 kada araw rito sa Metro Manila). BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
