KAMAKAILAN ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Peter Laviña upang mamuno sa National Irrigation Administration na siyang magiging katuwang ni Department of Agriculture Secretary Manny Piñol sa pagbibigay-serbisyo sa mga magsasaka.
Sa pagkakatalaga ni Laviña bilang pinuno ng NIA ay malaki ang maitutulong nito kay Secretary Piñol dahil iisa ang layunin ng dalawa at ito ay ang pagbibigay ng tulong sa mga kababayan natin na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim.
Bago pa man kasi naupo si Pang. Duterte ay laganap ang suliranin ng mga magsasaka sa patubig at katunayan nito ay marami sa kanilang pananim ang namamatay dahil sa kakulangan ng suplay na tubig.
Sa pagkakaupo ni Laviña bilang pinuno ng NIA ay makatitiyak ang ating mga kababayang magsasaka na mabibigyan na ng sapat na atensyon ng naturang kagawaran ang kanilang suliranin na matagal na nilang idinadaing.
Layunin ni Laviña na may libreng irigasyon ang mga magsasaka na siyang tulong nito sa mga kababayan nating nagtatanim na mas maparami pa ang kanilang mga ani upang madagdagan ang kanilang kita.
Matatandaang kabilang ang libreng irigasyon sa mga pangako ni Duterte noong campaign period kaya isa ito sa binibigyang-pansin ng DA at ng NIA nang sa gayon ay matuldukan na ang problema ng mga magsasaka sa buong bansa.
Sa kasalukuyan ay mayroon pa lamang 1.7-milyong hektarya ng sakahan ang nabibigyan ng libreng irigasyon kaya patuloy sina Piñol at Laviña sa pagsusumikap na maabot ang target na 3-milyong ektarya na mabigyan ng libreng patubig.
Kapag naisakatuparan na ito ng gobyernong Duterte, nakatitiyak tayo na bukod sa gaganda ang ani ng mga magsasaka ay mas marami pa sa atin ang mahihikayat na bungkalin ang kanilang mga lupa, lalong-lalo na ang mga naninirahan sa mga lalawigan na ang malaking ikinabubuhay ay ang pagsasaka.
Sa pamamagitan din nito, tataas ang ating ani lalong-lalo na sa palay at malamang ay hindi na natin kinakailangan pa na umangkat ng bigas sa mga kapitbahay natin sa Asia na malaking tipid para sa ating pambansang ekonomiya. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
