SA wakas tinutugis na ng Bureau of Immigration (BI) ang mga Chinese national na iligal na inismagel dito sa Pilipinas.
Umabot sa 1,240 Tsino ang hinakot ng BI Fugitive Search Unit sa isang mamahaling rest and recreation center sa Clark, Pampanga, dating US military air base.
Inatasan ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang BI Fugitive Search Unit in coordination with the Angeles City Police kasunod ng intelligence reports ukol sa pagdagsa ng Chinese na iniismagel sa NAIA at Clark International Airport.
Noong nakaraang linggo lamang ay tinawagang-pansin ko ang BI officials tungkol sa talamak na “escort services” para sa Chinese nationals na may kuwestiyunableng travel documents.
Ang sindikato ng human traffickers diumano’y gumagamit pa ng isang opisina sa 3rd Floor sa BI main office sa Magallanes Drive sa Intramuros, Manila kung saan sangkot sila sa “case-fixing” ng blacklisted undesirable aliens.
Kada buwan ay milyong piso ang pinaparte ng sindikato ng isang alyas “Conrad” at ilang tiwaling Immigration officers, ayon sa BI insiders.
Naniniwala akong hindi kukunsintihin ni Commissioner Morente ‘yan.
Ang mga nasukol na Chinese nationals ay pinagtatrabaho ng sindikato sa online gambling sa Fontana, Clark at nasa pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF).
Good job, Commissioner Morente!!!
***
Welcome po ang inyong mga reaksyon, opinyon at reklamo. I-email lamang po sa etulfo2011@yahoo.com o bisitahin n’yo kami sa Erwin Tulfo Action Center sa 2nd Floor, Quedsa Plaza, Quezon Ave. cor. EDSA, Quezon City, 9am-4pm Monday-Friday. DEADSHOT/ERWIN TULFO