HINDI imposibleng matatagpuan ang puwersa ng Maute Group kahit saan lugar sa Pilipinas.
Ito’y dahil sa katotohanang nakapagbuo na ang teroristang grupo nang matibay na organisasyon.
Matibay dahil sa kabila ng pagsasabi ng militar na kalat-kalat at nagtatago na ang mga ito dahil sa opensiba nito, hayan at nakapagbuo muli sila ng puwersa upang balikan at okupahin ang ilang lugar sa bayan ng Butig, Lanao del Sur.
Daan-daang puwersa ng Maute Group ang muling sumalakay sa Butig at ngayo’y binabaka ng mga ito ang libo-libong sundalo ng pamahalaan.
BOMBA SA US EMBASSY
Ayon sa pulisya, katulad ng bomba na pinasabog sa Davao City na ikinamatay ng 14 katao at ikinasugat ng 70 iba pa ang bombang natagpuan malapit sa US Embassy kahapon.
Bala ng mortar ito at ang pagkakagawa ay katulad ng nasabing bomba sa Davao City. Gawa umano ng Maute Group.
Kung totoo ito, palatandaan ito ng katotohanang maaaring matatagpuan ang mga puwersa ng grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dahil kasapi na ang grupo ng teroristang Islamic State na kilala sa mga pambobomba kahit saan, lumilitaw na ang kaganapan sa US Embassy ay palatandaan ng terorismo at maaaring iugnay sa IS.
Sa ganitong kalagayan, aba, lahat na ay dapat na magbantay.
ISTAYL BULOK?
Sabi ng mga kritiko ng administrasyong Duterte, itong bomba sa US Embassy ay gawa-gawa lang at pagkokondisyon ito sa utak ng mga tao o mamamayang Filipino sa isang masamang balakin na nasabing administrasyon.
Maaaring gamitin umano ni Pangulong Duterte ang “gawa ng teroristang grupo” para sa pagsuspinde ng pribilehiyo sa habeas corpus.
Sa suspensyon ng pribilehiyo sa habeas corpus, pupwedeng mang-aresto ang mga sundalo at pulis at iba pang taga-pamahalaan nang walang warrant sa mga pinasususpetsahang may mga paglabag sa anomang batas sa bansa.
Nakita ito noong panahon ni ex-President Ferdinand Marcos makaraang mabomba ang miting de avance ng kanyang mga kalaban sa pulitika na ikinamatay ng ilan at ikinasugat ng iba.
Lahat ng mga suspek na nahanap ay dinakip at ibinilanggo. Kasunod na nito ang martial makaraang matambangan “daw” si noo’y Defense Secretary Juan Ponce-Enrile.
WALANG PAMUMULITIKA
Pero sinasabi mismo ni Duterte na wala siyang pamumulitika at gusto niyang matapos sa anim na taon lang ang kanyang panunungkulan.
Maaari ngang hindi niya matapos ang kanyang panunungkulan dahil sa kanyang edad o kung i-impeach naman siya at ibilanggo.
Dito kitang-kita ang punto na sakaling may suspensyon ng nasabing pribilehiyo, lahat ay para kapakanan ng lahat at sa bayang Pilipinas.
Para sa atin, walang kaduda-duda na galing sa puso ang mga salita ni Pangulong Duterte.
Kung may suspensyon man ang pribilehiyo ng habeas corpus, para sa kabutihan ng lahat iyan.
Kailangan lang talaga ang sakripisyo sa hanay ng mga mamamayan habang gumagawa ng paraan ang gobyerno para sa kanilang kapakanan.
Paano nga kung magkaroon ng tunay na pambobomba ang Maute Group na istayl IS na ang mga sibilyan na walang kinalaman sa labanan sa pulitika at idolohiya ang pangunahing target upang magulo ang buong bansa?
KONTRA GEN. BATO
Mismong si PNP chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang nagsasabi na may mga kumikilos nang mga heneral at opisyal ng pulisya para siya masibak o mapatay kaya dahil sa tapat niyang paglilinis sa hanay ng kapulisan.
Lumalabas kasing may anim nang heneral ang isinasangkot sa iligal na droga, aktibo at retirado.
Iba pa ang mga koronel, major, tenyente at may mababang ranggo. Maaaring kabilang dito ang libo-libong pulis na umano’y sangkot sa droga.
Napakalaki ang bilang ng mga puls na druglord, protektor, narco-poltician, ninja cop, pusher at adik dahil nasa 6,000 umano ang mga ito.
Paano kung makaroon ng kudeta laban kay General Bato? Hindi kaya manganib ang seguridad mismo ng bansa at pamahalaan sa ganitong kalagayan?
Dito maaari ring masusinde ang pribilehiyo sa habeas corpus.
Hindi kaya ng ordinaryong paggogobyerno ang humarap sa 6,000 pulis na pawang armado at handang pumatay at manggulo.
oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA