KUNG si dating President Gloria Arroyo ay may ‘Hello, Garci’, maliwanag na si President Duterte ay may sarili niyang bersyon — ‘Hello, Kumpare’.
Kung inyong maaalala, tumawag noon si Arroyo kay Virgilio Garcillano na kilala rin bilang “Garci,” dating opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na sangkot umano sa pandaraya niya sa halalan at binansagan ang iskandalong ito na “Hello, Garci”.
Kamakailan ay nagpahayag si Director-General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), na tinawagan siya ng kanyang “kumpare” at hiniling na ibalik sa puwesto si Supt. Marvin Marcos.
Pero hindi ibinunyag ng PNP chief ang pangalan ng tumawag sa kanya. Nauna rito, sinibak niya si Marcos matapos maaresto sa Abu Dhabi noong Oktubre ang druglord umanong si Kerwin Espinosa, anak ni Albuera Mayor Rolando Espinosa, Sr.
Inamin ni Dela Rosa na sinunod niya ang kahilingan kahit nakatanggap siya ng impormasyon na tumatanggap si Marcos ng payola mula sa operasyon sa droga ni Kerwin.
Ayon kay Sen. Leila de Lima, hindi lihim sa hanay ng mga opisyal ng PNP na ang special assistant ni President Duterte na si Bong Go ang misteryosong tumawag kay Dela Rosa.
Noong isang linggo, inamin ni President Duterte na inatasan niya si Bong Go na tawagan si Dela Rosa at utusan itong ibalik sa puwesto si Marcos dahil gumagawa siya ng imbestigasyon.
Ilang linggo matapos mapuwestong muli si Marcos, hepe ng CIDG Region 8, ay pinamunuan niya ang operasyon na nauwi sa pagkasawi ng matandang Espinosa sa loob ng kulungan nito sa Leyte. Dahil dito, muling nasibak sa puwesto si Marcos at 17 pang pulis at isinailalim sa restrictive custody sa Camp Crame, Quezon City.
Bagama’t klinaro ng PNP na si Marcos at ang kanyang mga pulis ay nasa ilalim pa ng restrictive custody, pinayagan silang umalis ng Camp Crame at bumalik sa Leyte para kumuha umano ng impormasyon na isasama sa counter-affidavit.
Ipinunto ni Sen. Panfilo Lacson na makita lang si Marcos at ang kanyang mga tauhan ay sapat na para manginig sa takot ang mga testigo sa Leyte, kabilang na ang mga preso, jail guard at kaanak ni Kerwin.
Maaaring sinalo ni Duterte ang kanyang tao, halimbawa mang si Bong Go nga ang nakiusap na maibalik si Marcos sa puwesto. May mga nag-iisip tuloy na ginawa ito ni Duterte para mamatay na agad iyong usap-usapan. Ika nga, “The buck stops here.”
Pero isang negatibong reaksyon dito ang impresyon na si Marcos ay isang opisyal na hindi maaaring galawin at pwedeng gawin ang anomang naisin dahil suportado siya ng makapangyarihang tao.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

