MATAGAL ko nang ibinulgar ‘yang operasyon ng Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark, Angeles City ngunit ngayon lang tuluyang isinara ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at Angeles City police.
Lumitaw na ‘di kumpleto ang Fontana sa business permit at iba pang legal requirements gayundin ang immigration documents ng mga Chinese personnel sa online gambling doon.
Tama rin ang pag-padlock sa Fort Ilocandia, isa pang hotel-casino ni Lam sa Ilocos Norte.
Samantala, sinisiyasat ng mga awtoridad ang ulat na maaaring nananatili pa sa bansa ang puganteng Chinese gambling lord na si Jack Lam, ang may-ari ng Fontana.
Inutos ni Pangulong Rody Duterte ang pag-aresto kay Lam para humarap sa mga kasong bribery and economic sabotage.
Kung totoong nandito pa ‘yang animal na ‘yan, siguradong may sindikato na nagpoprotekta riyan gaya ng human trafficking at “escort service” sa NAIA.
Dapat tanggalan ng maskara ang mga patong kay Lam!!! Patuloy ang paghahanap sa gambling lord, ayon kay PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa.
Bagaman naiulat nang tumakas na si Lam noong nakaraang linggo patungong Hong Kong, walang record ng departure ni Lam patungong Hong Kong.
Anong ginagawa ng Bureau of Immigration bukod sa utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kay BI Commissioner Jaime Morente na kanselahin ang investor’s visa ni Lam?
Samantala, may 704 na Tsino ang binabantayan ng PNP Regional Public Safety Batallion sa Fontana Convention Center na nahuling iligal na nagtatrabaho sa villas sa Fontana.
Ngunit 57 Tsino ang “nakatakas” sa ‘di maipaliwanag na dahilan ng mga awtoridad.
Malamang pinatakas kapalit ang “padulas” na talamak diyan sa BI!
Sino ang niloloko ninyo?
***
Welcome po ang inyong mga reaksiyon, opinyon at reklamo. Paki-email lamang po sa etulfo2011@yahoo.com o bisitahin n’yo kami sa Erwin Tulfo Action Center sa 2nd Floor, Quedsa Plaza, Quezon Ave. cor. EDSA, Quezon City, 9am-4pm Monday-Friday. DEADSHOT/ERWIN TULFO