KAMAKAILAN, naitaas na ang ranggo ni Quezon City Police District (QCPD) Director Guillermo Lorenzo Eleazar sa chief superintendent mula sa pagiging senior superintendent.
Siyempre, ubod nang saya ni C/Supt. Eleazar. Marami kasi siyang nagawa simula nang maidestinong QCPD direktor nitong Hulyo.
Sinunod at ipinatupad niya nang walang kwestyon at pagdududa ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.
Sa kanyang tapat na pamumuno at masigasig na pagtatrabaho laban sa iligal na droga, hindi lamang mga drug pusher, adik ang napatay, nadakip, at napasuko, kundi marami siyang ipinasibak na pulis mula sa QCPD.
Kaya, pati ako ay kabilang sa mga humahanga at bumabati sa tagumpay ng kanyang karera.
Ang nakapagtataka lang ay bakit hindi kasama sina S/Supt. Joel Napoleon Coronel (direktor ng Manila Police District) at S/Supt. Ricardo Fajardo (direktor ng Northern Police District)?
Marami rin namang napatay, nadakip, at napasuko ang kani-kanilang mga tauhan.
Baka kulang pa?
O, ‘di kaya ay may kapalpakan sa mga pulis ng MPD at NPD habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin—na nakarating sa tanggapan ni Dir. Gen. Ronald dela Rosa?
Dahilan upang hindi humanga si Dela Rosa sa kanilang dalawa. Kaya, hindi nila nakuha ang kanilang estrelya.
Palagay ko, ang dahilan kung bakit hindi naging heneral sina Coronel at Fajardo ay hindi nila tapat at seryosong nilinis at nililinis ang kani-kanilang distrito.
Halimbawa, sa Caloocan City ay siyam na pulis ng Station Anti-Illegal Drug (SAID) ang nakunan sa CCTV na ninanakaw ang mga personal na pag-aari ng isang pamilya sa Brgy. Tala noong Disyembre 5.
Sa MPD naman, hindi pa tuluyang natatanggal ni Coronel ang mga kotongerong pulis at mga pulis na protektor ng mga sugalan tulad ng color game sa Quiapo at Tondo.
BANTAY-SARADO ANG MGA KALSADA SA CALOOCAN
MAHIGPIT nang ipinagbabawal ni Mayor Oscar Malapitan ang pagparada ng mga sasakyan sa mga mayor na kalsada sa Caloocan City.
Binabatak na ang mga paparadang sasakyan sa mga pangunahing kalsada.
Ang layunin ni Mayor Malapitan ay upang lumuwag ang daloy ng mga sasakyan, sa gayon walang trapik.
Tama ang desisyon ni Mayor Malapitan dahil nakatutulong ito sa pagresolba sa napakalalang trapik sa Metro Manila.
===
Problema at hinaing n’yo, itawag, o i-text sa: 09985650271. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA