SOBRANG antipatiko ang isang dating Major Jason Aquino na ipinagkakalat at pinangungunahan si Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang mauupong administrador ng National Food Authority (NFA).
Ayon sa ilang nakakikilala kay Aquino, atat na atat na itong mapwesto bilang NFA chief at mayroon siyang suporta ng ilang beterano sa mga raket sa ahensiyang ginagamit sa pagpupuslit ng bigas tulad ng isang PR expert na itinalaga ni Pangulong Digong sa ibayong dagat.
Pero ano itong tsismis na isang pamosong rice smuggler ang nagtutulak kay Aquino para magpumilit na siya ang maluklok sa NFA?
Tiyak na mamamayagpag ang ismagler na ito na konektado sa isang alyas “Baste”, gayundin ang mga rice miller sa Intercity sa Bocaue, Bulacan na nakikinabang sa NFA rice na isinisilid lamang sa ibang sako para ibenta bilang commercial rice.
Noong miyembro ng militar itong si Aquino, sumama siya kay dating General Danny Lim sa destabilization plot laban sa pamahalaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na napilitang magdeklara ng State of Emergency noong 2006.
Ang masama, laging nakalulusot ang mga nanggugulo sa gobyerno at pakitang-tao lamang na nililitis sila sa Court Martial. Kaya nga si Lim, halimbawa, naging opisyal pa ng Bureau of Customs sa pamahalaan ni Benigno Aquino III matapos matalo sa kanyang kandidatura para sa Senado sa halalan noong 2013.
Nang mag-resign sa BOC, naging broker si Lim at ang kanyang mga kakampi sa RAM at may malaki silang warehouse sa kanto ng 5th Avenue at Rizal Avenue Extension sa Caloocan City.
Target din pala ni Lim na maging administrador ng NFA kaya delikado ang mga padrinong ismagler ni Aquino. He, he, he.
Kung sa bagay, halos lahat ng naupo sa NFA ay nasangkot sa katakot-takot na anomalya kaya dapat mag-ingat si Pang. Duterte sa kanyang ipupuwesto riyan.
Umuugong na ang katakot-takot na tsismis ng kabulukan sa BOC at huli sa akto ang ilang opisyal ng Bureau of Immigrations (BI) na nangikil sa casino tycoon na si Jack Lam kaya abangan ang susunod na magiging “blackeye” sa gobyerno ni Digong. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
