NGAYONG nalalapit na ang paghihiwalay ng taon ay mas dumarami pa ang sumusuporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga dahil na rin sa paglalaan nito ng P1-bilyon para sa drug rehabilitation center at libreng gamot para sa mga drug addict na sumuko.
Dahil sa aksyon na ito ng Pangulo ay hindi lamang ang mga Filipino ang napabilib ni Tatay Digong kundi maging ang mga kapitbahay nating bansa na gusto na ring matuldukan ang pagkalat ng iligal na droga sa buong mundo.
Maraming buhay na kasi ang nasasayang dahil sa paggamit ng iligal na droga at isa rin itong dahilan kung bakit may mga pamilyang nagkakawatak-watak dahil sa masamang nagiging sanhi ng ipinagbabawal na gamot.
Kung tutuusin ay kaya namang matuldukan ang pagkalat ng iligal na droga, lalo na at seryoso ang pamahalaan sa pagsugpo nito.
Simula nang manungkulan si Duterte bilang Pangulo ng bansa ay dumami na ang bilang ng mga nagsisukong drug personalities habang ang mga ayaw magsipagtigil sa kanilang masamang gawain at nanlalaban sa mga awtoridad ay napapatay sa operasyon.
Naging aktibo rin ang mga opisyal at kawani ng barangay sa paglaban sa iligal na droga sa kani-kanilang lugar sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kanilang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).
Napahanga rin ang ating mga kababayan dahil sa pagpapatayo ni Duterte ng malaking drug rehabilitation center sa bansa na siyang pagdadalhan sa mga drug addict na gustong magbagong-buhay at tuluyang kalimutan ang kanilang masamang bisyo.
Makikita natin na talagang seryoso si Pangulong Duterte na mapabago ang masamang nakagawian ng ating mga kababayan na naligaw ng landas na magbagong-buhay at ito na siguro ang kanilang pagkakataon na makipagtulungan sa gobyerno para sa kanilang pamilya.
Sa paghihiwalay ng taon ay dapat na tuluyan na ring talikuran ng mga kababayan natin na naligaw ng landas ang kanilang masamang bisyo at ito na rin ang kanilang pagkakataon upang mabago ang takbo ng kanilang mga buhay.
Bagong Taon ay Bagong Buhay, ito na lamang ang dapat na itatak nila sa kanilang kaisipan nang sa gayon ay matulungan sila ng gobyerno sa kanilang pagbabagong-buhay. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
