GUSTO kong suportahan ang desisyon ng Grab at Uber na lagyan ng limit o cap ang pamasahe sa kanilang service, lalo kung totoo nga na magkakaroon na ng cap at maaayos na ang problema sa price surging.
Hindi pa nila nasasabi kung magkano nga ang magiging cap o limit sa price surge nila.
Dapat ay noon pa ito.
Noon ko pa sinasabi, noong nasa LTFRB pa ako. Noon ko pa nakita na maaring maging problema ang provision sa Department Order na ang mga Transport Network Company (TNC) ang magdidkta ng pamasahe sa Uber at Grab.
Ngayon ay parami na nang parami ang nagrereklamo tungkol sa price surging na parang sinasamantala nga raw ng Uber at Grab ang tindi ng pangangailangan ng serbisyo ng mga pasahero sa ginagawa nilang price surging.
May mga pasahero naman na willing daw magbayad ng mahal para sa premium na serbisyo at ang katuwiran ng mga transport network vehicle services (TNVS) ay nagkakaroon lang ng price surge dahil sa taas ng demand para sa serbisyo nila.
Pero mas lumalala ang reklamo tungkol sa price surging ngayon, lalo nitong mga nakaraang araw na busy ang kalye, dahil sa Kapaskuhan at minsan ay malakas na biglang bumubuhos ang ulan.
Dito papasok ang kagandahan ng pag-regulate sana sa ganitong phone-app-based transport service.
At para hindi masira ang ganitong klase ng transport service na maganda naman kasi nga cellphone lang ang kailangan ay dapat maayos na ma-regulate.
Dapat ay pumasok na ang regulatory body rito para hindi masayang ang ganitong klase ng serbisyo tulad nga ng ibinibigay ng Uber at Grab.
Marami na ang hindi masaya sa price surging. Sa totoo lang, may kaso nang natanggap at humihingi ng tulong sa Lawyers for Commuters Service and Protection (LCSP) ang nagrereklamo.
Dapat ay agad na maayos ito. Parang kagaya lang din sa ibang pampasaherong sasakyan tulad ng jeepneys na kapag gusto nilang magtaas ng pasahe ay kailangan nila ang approval ng regulatory arm at masisista at maaring mawalan ng prankisa kung mahuhuling lalabag sa batas at aabusuhin ang tiwala ng mga kababayan nating mga pasahero.
Good luck sa development na ito.
oOo
MALIGAYANG PASKO sa ating lahat!
Marami pang challenges sa kalye na kailangan nating pagtulungan na maayos bilang mga concerned citizen ng ating mahal na Pilipinas.
Haharapin natin ang Bagong Taon na puno ng pag-asa, na sana ay mas maging maaliwalas na at ligtas ang ating mga kalsada.
Merry Christmas everyone and Happy New Year! SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
