IPINANGANGALANDAKAN ng mga bossing ang pagtahak nila sa tuwid na daan.
Sinasabayan pa ito uma-no ng mapagkalingang gawa.
Ito naman kaya ay totoo o kasinungalingan?
Siyempre, kung totoo man, baka naman konti lang.
At ang totoo, higit ang kasinungalingan.
Tingnan natin, mga Bro, ang mga tunay na pangyayari.
PERA-PERA SA KAINUTILAN
Naranasan na ba ninyo ang nasita sa lansangan ng mga taga-Land Transportation Office at taga-Traffic Management Group?
Naku, ang daming reklamo riyan.
‘Di ba walang iniisyu ang lintek na LTO na mga sticker?
Magkakambal ang mga taga-LTO at TMG sa pamemera dahil sa kainutilang ito ng LTO.
Ang mga pampasaherong sasakyan, lalo na ang mga dyipni, ang nilalantakan ng mga tarantado sa LTO at TMG.
BINIBILI LANG SA LTO
Dahil sa kawalan ng sticker, may iniisyu ang LTO na idinidikit ng mga operator at tsuper sa kanilang mga windshield bilang palatandaan ng pagkakarehistro ng mga sasakyan.
Kapag pinapara sila ng mga taga-LTO at TMG at walang sticker ang mga sasakyan at ang palatandaang sticker lang ang nakadikit, diyan na nakararanas ng kalbaryo ang mga operator at tsuper.
Hindi pala nirerespeto ng mga taga-LTO at TMG ang mga sarili nilang isyu na sticker na temporary o palatandaan ng pagiging registered ng sasakyan.
Sabi ng mga kotong-LTO at kotong cops, binibili o peke ang mga sticker na iyon.
Kapag nangatwiran nang matino ang operator at tsuper, bumibigay naman ang mga taga-LTO o TMG pero sa gitna ng “pagdududa” nila, ang driver’s license naman ang pinagdidiskitahan ng mga kotongerong ito.
P150-P200 ANG MULTA
Kinukumpiska ang mga driver’s license ng mga nagkakataong tsuper at siyempre pa, tinutubos ang mga ito.
Mabuti kung ganon-ganon lang.
‘Eh sa pagtubos ng lisensya, inaabot nang siyam-siyam ang mga tsuper bago nila makuha muli ito.
Sayang ang isa o dalawang araw na biyahe ng mga ito at kakambal ito ng gutom, mga Bro.
Para naman sa mga hindi tagaroon sa lugar na kinukumpiskahan, naglalagay na lang ang mga tsuper sa lansangan.
Sino naman ang tutubos ng lisensya sa Kamaynilaan kung pauwi na sa lalawigan ang mga tsuper, aber?
WALANG BERI-VERIFICATION
Walang intensyon ang mga taga-LTO at taga-TMG na mag-verify kung totoong registered ang sasakyan o hindi.
Basta sa kalsada nagiging piskal at hukom ang mga kumag.
Diyan nila idedeklara ang kanilang desisyon at ewan natin kung gaano kagaling ang mga kumag na ito sa pagsilip ng mga violation kuno at pagkukwartahan kaagad.
WALANG PAKIALAM
Walang pakialam ang mga kotong-LTO at kotong cops kung ang gobyerno mismo ang may depekto gaya ng hindi nito pag-iisyu ngayon ng mga sticker o papeles na bayad.
Basta huhulihin ka at kukumpiskahan ng lisensya o plaka saka ipatutubos sa iyo nang mahal.
BILYONARYO NA LTO, BUNDAT NA TMG
Dahil sa rami ng pinagmumulta nang wala sa lugar, hindi kataka-takang bilyon-bilyong piso ang naiipong salapi ng LTO at hindi nakapagtataka na laging paldo ang bulsa ng mga taga-LTO at TMG.
Pagsamahin mo ba naman ang “ligal” kuno na panghuhuli at pangungumpiska at pangongotong kung hindi ka mabundat sa salapi.
Sa ligal na pangongotong, may incentive umano ang mga nanghuhuli.
Magkano?
At ‘yung mga deputized na kotong cops, may por-syento rin sila sa kanilang hulidap mula sa LTO.
Iba ang kanilang binabangketa o on the spot na pangongotong.
NAKATATAKOT
Kuyog, mga Bro, kung manghuli ang mga ito.
Ang sinomang nangangatwiran ay itinuturing nilang lumalaban.
Nakalilimutan ng mga animal na ito na sila’y public servants at nabubuhay sa buwis ng mamamayan.
Akala mo sila ang hari at ang mga sibilyan ay pawang mga timawa lamang.
KAKAMBAL NA PERHUWISYO
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na bawat local government unit, mga bayan at lungsod, ay may mga traffic management office.
Dito rin naglipana ang mga kotongero.
Palibhasa nakararami sa mga ito ang volunteer at kakaunti lang ang allowances nila, niraraket nila ang mga motorista.
Uso sa mga ito, mga Bro, ang quota system.
‘Yun bang === uutusan sila na manghuli nang manghuli hanggang sa maabot nila ang minimum na 10 tsuper araw-araw.
BUNDAT SA KOMISYON
Anak ng tokwa, sumbong sa atin ng mga matutuwid na traffic enforcer, mas malaki ang dinedekwat sa komisyon ng kanilang mga bossing kaysa sa mga napupunta sa kanila.
Sa 20 porsyentong komisyon, nasa 5% lang ang ibinibigay sa kanila at ang malaki ay pinaghahati-hatian ng mga bossing at mga kotongero rin na opisyal sa mga munisipyo at lungsod.
MAGBAGO NA SILA
Maganda sigurong lingunin ng Team PNoy ang kanilang mga tauhan sa mga lansangan.
Talaga namang nakasusukang tingnan na pawang mga litrato ng matuwid na Pangulo at matuwid na daan ang mga nakabiting larawan sa likod ng mga lamesa ng mga bossing sa LTO, TMG at TMO pero pagdating sa kalye, ibang usapan na ang matuwid.
Kapag na-zero vote ang Team PNoy sa kagagawan ninyo, magbalot-balot na kayo, mga kumag.