KUNG ang usapin ay suwerte at malas, ang bansa natin, ang Pilipinas, ang suwerte ngayong taon 2017.
Bakit hindi? Aba, nag-uunahan ang malalaking bansa na tulungan tayo sa mga proyekto gamit ang kanilang malalaking tulong at utang na pondo?
Nauna ang China, sumunod ang Japan at nangako ang Russia.
Mayroon pang malalaking bansa ang nagbigay rin ng komitment para tulungan tayo sa lahat ng kailangan sa pagpapaunlad.
Ngayong 2017, ika-50 taon anibersaryo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at nagkataon, ang punong abala ay ang bansa natin.
Si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang 2017 ASEAN head, right? At ngayong taon din na ito magsisimula ang malalaking proyekto na mahalaga sa atin lahat, lalo na ang mga kailangan na imprastraktura sa transportasyon, mga lansangan, tulay at mga kauri nito.
Buhos ayuda rin ang Japan sa pagpapayabong ng ating agrikultura para bigyan ng tunay na yaman ang mga magsasaka natin.
Mismong si Agriculture Sec. MANNY PIÑOL ay abalang-abala sa paghahanda para palawakin ang pagsasaka gamit ang mga bagong makinarya para mabilis ang pagtatanim at pag-ani.
Marami na ring manggagawa na biktima ng 555 o “endo” ang naging regular na manggagawa.
Kung masuwerte pa tayo na darami ang korporasyong industriyal, lalo pang giginhawa ang buhay-manggagawa at hindi na mangangarap pa na mangibang bansa.
Sana nga lamang, ang mga pinagkatiwalaan ni Pangulong Duterte ay sumunod sa kanya at kanyang mga patakaran.
Huwag gumawa ng krimen tulad ng katiwalian at korapsyon. Ihatid sa mamamayan ang tamang gawain lamang.
Nakahanda ang malalaking negosyante na tulungan si Pangulong Rody at mga Filipino ngayon.
Todo-buhos ang kanilang suporta dahil nakikita nila ang tunay na komitment ng Pangulo na paunlarin ang bansa at sambayanan.
Makakamit natin ang lahat ng iyan. Mabigat man ang laban kontra sa iligal na droga at kriminal, malakas na ang loob ng Pambansang Pulisya (PNP) at mga kauring ahensiya ng mga awtoridad dahil nakita nila ang katotohanan kay KA DIGONG!
Sana samahan natin si Pangulong Duterte. Sana, maging aktibo tayo sa pagbabago.
Kung may kadugo kang adik o kriminal, huwag mo na lang palabasin ng inyong bahay. BALETODO/ED VERZOLA
