BATID ng sambayanan na matindi ang galit ni President Duterte sa iligal na droga at ito ang nagbunsod ng kautusan niya sa mga awtoridad na hulihin ang mga adik at pusher sa bansa.
Nakalulungkot nga lang na ang pangakong suporta ni Duterte sa mga opisyal sa kanyang digmaan sa droga rin ang dahilan kaya lumakas ang loob ng ibang pulis para mambiktima ng mga inosenteng sibilyan.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, ginagawa itong dahilan ng mga tiwaling pulis para sa sarili nilang kapakanan.
Dahil batid nilang takot ang mga mamamayan, kahit mga inosenteng hindi sangkot sa droga ay kanilang pinupuntirya para maperahan.
May punto si Lacson at halimbawa na rito ang brutal na pagkakapaslang kay Jee Ick Joo, isang negosyanteng Koreano na dinukot ng mga armadong lalaki, kabilang na si SPO3 Ricky Sta. Isabel.
Iligal na droga ang naging palusot ng mga kumuha kay Jee at sa kasambahay niya mula sa kanilang tahanan sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre.
Bagaman pinatakas ang kasambahay, si Jee ay pinatay sa loob mismo ng police headquarters sa Camp Crame, na dapat sanang ituring na pinakaligtas na lugar sa buong bansa dahil balwarte ito ng mga nagpapatupad ng batas.
Biruin niyo, ang mga dumukot kay Jee ay nagawa pang humingi ng ransom sa kanyang asawa, nang hindi sinasabing patay na ang negosyante.
Muli na naman tayong nalagay sa sentro ng kontrobersya at kahihiyan.
Ang mga mata ng buong mundo ay nakatuon sa atin dahil sa pagkamatay ng isang dayuhan sa kamay ng mga pulis sa loob ng headquarters ng PNP, na itinuturing na isa sa pinaka-corrupt na ahensya sa bansa.
Sampal din ito sa pagmumukha ni PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa dahil naganap ang pamamaslang sa loob mismo ng kanyang bakuran.
Noon pa binabatikos ng marami, pati na ng matataas na pinuno ng ibang bansa, ang digmaan sa droga ng Pangulo dahil libo-libo na ang namatay rito.
Panahon na para salain ang kapulisan at magpatupad ng mga pagbabago, pati na sa pagpapatupad ng giyera sa droga.
Kasuhan ang mga pulis na sumasabit at sa oras na napatunayang nagkasala, sibakin sa puwesto at tuluyang ipakulong.
Dapat ding linawin ni Duterte na may limitasyon ang kanyang suporta at ito ay para sa mga lehitimong operasyon lamang.
Sa oras na may umabuso sa mga awtoridad ay kanyang parusahan upang huwag na silang tularan ng iba pa.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.