ANO ba naman itong mga mambabatas natin? Hindi tuloy malaman ng taumbayan kung saan ba talaga lulugar si Pangulong Rodrigo Duterte, kung sa kanan ba o sa kaliwa!
Kaugnay ito ng “lambing” ng mga kongresista sa kanya na pasamantalang itigil muna ang ginagawang “Oplan Tokhang” ng Philippine National Police kasabay na rin ng kampanya kontra sa iligal na droga na gawa ng mga “scalawag o bulok ” na mga opisyal at tauhan ng kapulisan.
Biruin ninyo, mga pare ko, pagkaupo pa lang ni Pang. Dutert ay agad niyang sinimulan ang “giyera kontra droga” dahil kapag hindi napigil ng Pangulo ang pagdami ng illegal drugs ay mabibilang na rin tayo sa mga “narco state” o pinaghaharian ng mga druglord na bansa.
Ang maging narco-state ba ang gustong mangyari ng mga kongresista na humihirit ng pasamantalang suspensyon ng “Oplan Tokhang” na ipinatutupad ng PNP?
Aba’y dapat nga ay suportahan pa natin si Pangulong Duterte sa kampanya niyang ito dahil ngayon lang tayo nagkaroon ng Pangulo na masasabi nating may bayag, matapang at may direksyong patutunguhan ang kanyang mga adhikain.
Tila ang gusto yata ng mga kongresistang ito na ibasura ng Punong Ehekutibo ay ang pakikipaggiyera nito sa patuloy na pamamayagpag ng illegal drug trading sa bansa na ilang tulog na lamang ay kabilang na rin tayo ng Mexico at Colombia.
‘Ika nga ni Presidential Spokesperson Ernie Abella, sa pangangampanya pa lamang ni Pang. Duterte, malinaw na ang tinatarget talaga ng Pangulo ay linisin ang hanay ng kapulisan at tuldukan ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa.
Kaya malabo nang mapagbigyan ang “hirit” ng mga kongresista na suspendihin pasamantala ang “Oplan Tokhang” ng PNP dahil dinaraan muna ito sa masusing proseso. Ano kayo, hilo? Hehehehe.
APAT NA PASAKLAAN ANG DALA
Silipin natin ang apat na pwesto ng saklang-patay at saklang walang patay ng tinaguriang “Sakla Queen” ng lalawigan ng Cavite na kinilalang si Aileen mula sa mga bayan ng Kawit, Noveleta, Rosario at Cavite City.
Ibang klase itong si Aileen dahil pader siya pagdating kay Cavite Provincial Director S/Supt. Arthur Bisnar. Hindi ko alam kung bakit. Basta ang alam ko ay malaking magbigay ng pampalubag-loob si Aileen.
Ewan ko kung may natatanggap si kernel na pampalubag. Ehehehe! JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
